HUMIGIT-kumulang 2 bilyong indibidwal ang aktibong gumagamit ng social media sa buong mundo. Ayon sa pananaliksik mula sa Pew Research Center, 18 hanggang 29 taong gulang ang madalas gumagamit ng social media.
Kapag social media na ang pinag-uusapan, napakalawak na usapin ang sakop nito kung saan magkaugnay at kabilang ang lahat, lalo na ang kabataan.
Dahil dito, pinabilis na ng internet ang lahat ng ating mga pangangailangan tulad ng paghatid ng balita, mensahe at impormasyon nang mabilis at nasa oras.
Maging sa mga estudyante, ginagamit nila ang modernong teknolohiya sa kanilang mga assignment, research, bokabularyong hindi pamilyar, koordinasyon sa mga kaklase para sa kanilang class group project, pakikipag-usap sa mga magulang na nasa malayong lugar, lalo na sa mga OFW at marami pang iba.
Napakapalad ng kabataan ngayon dahil sa isang click lang ay puno na ng kaalaman ang naghihintay sa kanila tulad ng mga babala, announcement, tips sa pag-aaral, paghahanap ng trabaho, fashion, art at marami pang ibang nakapagpapagaan o nakatutulong sa kanilang pang-araw-araw na gawain.
Ngunit, tulad ng ating kasabihan, anumang sobra ay masama. Sa panahon ngayon, nawawala ang pokus o balanse ng mga mag-aaral kung hawak na nila ang kanilang mga gadget.
May mga pagkakataon na napababayaan na ang kanilang pag-aaral dahil sa labis na paglalaan ng oras sa social media.
Nakalilimutan o kinakapos sa oras sa paggawa ng kanilang assignment o ng gawain sa bahay, hindi nakapagre-review para sa pagsusulit, wala nang paghanda para sa mga school project at hindi na nakasasali sa iba’t ibang organisasyon o club.
Nawawala na rin ang kanilang konsentrasyon sa loob ng klase habang nagtuturo ang kanilang guro. Kadalasan ay absent o tulog na sila sa klase dahil sa pagpupuyat sa harapan ng computer o cellphone.
Wala na sa tamang oras ang pagkain at kawalan ng gana na malaking epekto sa kanilang kalusugan.
Si Rod, isang Grade 8 student mula sa Laguna ay palaging absent. Ibinahagi sa ating email ng kanyang class adviser na tuwing pumapasok ang bata ay palaging masakit ang ulo at hindi nasasagutan ang assignments.
Kinausap niya ang mga magulang ni Rod upang masabi ang problemang kinahaharap nito.
Naikuwento ng kanyang ina na pagdating ni Rod sa bahay, diretso agad ito sa kuwarto, nagkukulong at tutok sa kanyang tablet para maglaro o manood ng video.
Dahil dito, nagtulung-tulong ang kanyang mga magulang at guro upang mabalanse ni Rod ang kanyang oras sa paggamit ng cellphone at tablet.
Kailangan ang tutok, pasensiya at higit sa lahat ay pagmamahal upang tuluyang maiayos ang kanyang buhay.
Nakatutuwang ibalita na ngayon ay responsable at masipag nang estudyante si Rod at masayang naging miyembro ng kanilang school band.
Magandang paalala ito para sa atin na hindi masama ang paggamit ng internet o ng social media basta hindi maaapektuhan ang pag-aaral ng mga estudyante.
Sa ating mga magulang, patuloy na gabayan ang ating mga anak sa lahat ng pagkakataon. Magkaroon ng kasunduan sa oras ng pag-aaral, paggamit ng mga gadget, pagsali sa mga sports at iba pang maaaring makahiligan.
Mahalagang maipaliwanag sa kabataan ang tamang disiplina, pokus at balanse sa buhay upang maging matagumpay sila sa kanilang pag-aaral.