top of page
Search
BULGAR

Kahalagahan ng pagtuturo ng sex education sa mga mag-aaral

AYON sa United Nations Population Fund (UNPF), mayroong 9.7 milyong kababaihan na may edad 10 hanggang 19 kung saan pag­tung­tong ng 19 taong gulang, isa sa lima sa ka­nila ay nagiging ina.

Nangyayari ang maagang pagbubuntis hindi lamang dahil pinili nila ito kundi dahil sa kawalan ng edukasyon, impormasyon at panga­ngalaga ng kalusugan.

Dahil dito ay naging laganap sa iba’t ibang lipunan ang adolescent pregnancy.

Ang sex education ay pag-aaral tungkol sa sekswalidad ng tao kabilang ang kalusugan, relasyon, pakiramdam, responsibilidad, bahagi ng katawan, sexual reproduction, sexual activity, age of consent, reproductive rights, birth control at pagpipigil sa pagtatalik.

Ang edukasyon tungkol dito ay nagsisi­mula sa kani-kanyang tahanan at ipinag­papatuloy sa paaralan para sa mga batang mag-aaral na karaniwang nalalantad sa maseselan at sensitibong karanasan o impormasyon tung­kol sa pagtatalik.

Ayon sa mga doktor, unang-unang dapat tingnan ng mga magulang ay kung handa na ba ang mga anak bago talakayin ang sex edu­cation.

Sila ang unang nakaaalam kung kaya na nila itong maintindihan o kung sila ay may ka­kayahan nang makipag-usap tungkol dito.

Dapat na ihanda ng mga magulang ang sarili upang matiyak na tama ang kanilang kaalamang ibabahagi sa mga bata.

Suhestiyon para sa mga magulang ay dag­dagan ang kaalaman at abilidad na magturo nang maayos sa pamamagitan ng pagbabasa.

Maaari ring magtanong sa ibang mga ma­gulang at propesyunal kung hindi sigurado sa gagawin.

Panatilihin din ang bukas na komunikasyon sa mga anak para maging mas komportable silang magtanong at pag-usapan ang anumang paksa.

Pakinggan, sagutin, gabayan at payuhan sila nang wasto at may responsibilidad sa lahat ng bibitiwang salita.

Hangad natin na ang mga estudyante na nasa hustong gulang ay maging maalam sa tama at mali, kumilos nang naaayon at kung paano tumugon sa posibleng pang-aabuso ng mga mapagsamantala.

Gayunman, sa eskuwelahan ituturo sa mga estudyante ang pagkakaiba ng “good touch” sa “bad touch” upang maiwasang maging biktima ng pang-aabuso.

Sa pag-alalay ng mga guro, gagabayan sila sa kaalaman tungkol sa “age appropriate de­velopmental and culture sensitive” sexuality education.

Sa kabila ng iba’t ibang pananaw ng tao sa pagtuturo ng sex education sa mga paaralan, mi­nabuti ng Department of Education (DepEd) na ipatupad ang “Policy Guidelines on the Implementation of the Comprehensive Sexua­lity Education” na naglalayon na magkaroon ng pang-unawa, kaalaman, mensahe at pama­maraan ng pagtuturo ng sex education sa lahat ng private at public elementary school, junior/senior high school, state universities at colleges at local universities at colleges.

Bukod sa maagang pagbubuntis, isa rin sa mahahalagang gampanin ng mga guro ay mai­iwas ang mga mag-aaral sa sakit tulad ng AIDS (Acquired Immune Deficiency Syndrome) na dala ng HIV (Human Immunodeficiency Virus) na nakukuha sa pakikipagtalik sa taong may­roong impeksiyon nito.

Higit sa lahat, mainam na kabilang sa kurikulum ng mga kabataan ang kasanayan sa buhay, ugali, kasarian at empowerment na ka­nilang tinatalakay sa subjects tulad ng Good Manners and Right Conduct, Health and Science, Social Studies at Home Economics.

Upang maiwasan ang anumang problema o kapahamakan, lalo na sa mga kabataan dahil sa kakulangan at kawalan ng kaalaman tungkol sa sex education, dapat tayong magkaisa sa pag­turo at paggabay sa kanila upang maihatid sila sa tamang landas para na rin sa katuparan ng kanilang mga pangarap.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page