KUNG magbabago at titigil na umano sa panlalait sa kanyang kapwa at magkakaroon ng respeto sa kasagraduhan ng buhay, puwedeng maging ‘santo’ si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang reaksiyon ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani sa umano’y ‘panlilibak’ ng pangulo sa tradisyon ng mga Katoliko na parangalan ang mga santo tuwing Undas, na tinawag pa niyang ‘gago’ at ‘lasenggo’.
Pabiro ring tinawag ng pangulo ang sarili bilang ‘Santo Rodrigo’. Ayon kay Bacani, tama ang pangulo na ang mga dating lasenggo, dating mamamatay-tao, dating magnanakaw at kurakot ay maaaring maging santo.
Gayunman, kailangan aniyang magsisi ang mga ito sa kanilang mga nagawang kasalanan at tanggapin sa kanilang buhay si Kristo tulad na lamang ni Saint Paul.
Giit pa ni Bacani, hindi naman malayong magkatotoo ang biro ni P-Duterte na maging santo.
“Itong si Presidente Duterte, puwedeng maging Santo Duterte iyan kung iyan ay magbabago, kung titigilan niya iyung pagmumura, kung titigilan niya ‘yung kanyang kakulangan ng paggalang sa buhay ng kapwa tao, ‘yung kanyang mga panlalait na ginagawa, ‘yung mga panggagago niya sa sinumang santo o tao,” pahayag pa ni Bacani.