Misteryosong paglitaw ng mga pasa sa katawan, alamin!
- BULGAR
- Nov 1, 2018
- 2 min read
Doc. Shane,
Napansin ko na nagkakapasa-pasa ako sa katawan, gayunman, hindi ako nauntog kaya nagtataka ako kung paano ako nagkakaroon nito? Posible kayang dahil ito sa sakit ko sa dugo, ano kaya ang sanhi nito at paano ito ginagamot? — Estela M.
Sagot
Ang pagkakaroon ng pasa ay kadalasang dahil sa pagtama ng bahagi ng katawan sa matigas na bagay na may puwersa. Dahil sa lakas ng puwersa ng pagtama, ang maliliit na ugat ng dugo sa ilalim ng balat ay maaaring pumutok at ang dugo na dumadaloy dito ay kakalat sa ilalim ng balat. Ang umagos na dugo sa ilalim ng balat ang siyang nagiging pasa.
Narito ang ilang mga dahilan:
Senile purpura — ito ay kondisyon na kalimitang nararanasan ng mga matatanda. Ito ay dahil sa pagrupok ng mga pader ng mga ugat ng dugo kasabay sa pagtanda ng katawan na nagreresulta sa madaling pagputok ng mga maninipis na ugat at pagkakaroon ng mga pasa. Bagaman, nakatatakot ang malalaking pasa na dulot nito, walang dapat ikabahala sapagkat hindi ito nagdudulot ng panganib sa kalusugan.
Epekto ng iniinom na gamot — isa sa mga karaniwang side-effect ng mga gamot ang biglaang pagkakaroon ng pasa.
Karamdaman sa dugo — maaaring dahil ito sa simpleng kakulangan ng platelet sa dugo dahil sa malalang sakit na leukemia o kanser sa dugo.
Kakulangan ng Vitamin K — isang senyales ng kakulangan sa mahalagang bitaminang ito ay ang madalas o madaling pagkakaroon ng pasa saanmang parte ng katawan.
Gayunman, sa ibang mga pagkakataon, may mga pasa na bigla na lamang at misteryosong lumilitaw sa balat nang hindi natin nalalaman. Sa mga pagkakataong ito, makabubuting agad na magpatingin sa doktor.
Comments