ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | December 23, 2023
KATANUNGAN
Maestro, ako ay isang security guard at sa hindi sinasadyang pangyayari, nasangakot ako sa isang kaso. Gusto kong malaman kung nakikita rin ba sa guhit ng palad kung tuluyan na akong matatanggal sa serbisyo? Sa ngayon, nag-aalala ako dahil ‘pag natanggal ako sa serbisyo, wala akong makukuhang benepisyo kahit almost 20 years ko na itong trabaho at maganda na ang posisyon ko sa kumpanya.
Ang isa ko pang concern ay kung sakaling mawalan ako ng trabaho at nagkaroon ng kaunting puhunan, ano’ng negosyo naman ang dapat kong pasukin at saang larangan naman uunlad ang aming kabuhayan at paano ako yayaman?
Sana ay mapayuhan n’yo ako para ngayon pa lang ay maihanda ko na ang gagawin ko kung sakaling tuluyan akong mawalan ng trabaho.
KASAGUTAN
Hindi ka masisibak sa serbisyo. Ito ang nais sabihin ng hindi naman naputol, nasira o nawasak na Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad na bagama’t bahagyang naalog o umuga, (arrow b.) nananatili itong tuwid at matatag. Tanda na anuman ang kauwian ng kasalukuyan mong problema sa trabaho, ‘wag kang kabahan dahil tulad ng nasabi na, anuman ang ibintang nila na hindi maganda laban sa iyo, lalabas din ang katotohanan na wala kang kasalanan. Kapag nangyari ‘yun, hindi ka masisibak sa iyong trabaho at tuluyan ka na ring makakabalik sa dati mong puwesto at maaaring ma-promote pa ulit sa susunod na mga taon at buwan.
Samantala, kapansin-pansin din ang Business Line (Drawing A. at B. N-N arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na tama ka, may isang panahon nga sa iyong buhay na sa sandaling nakapag-early retirement ka, sa negosyong may kaugnayan sa agricultural products at paghahayupan, may inaasahang malaking pag-asenso at pag-angat ng iyong kabuhayan. Ito ay madali namang kinumpirma ng malinaw, walang bilog at magandang straight Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow d.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, kung sa pagsi-security guard ay hindi ka yumayaman, sa pagnenegosyo, mas malaki ang tsansa na tuluy-tuloy na lumago ang iyong kabuhayan, hanggang sa tuluyan ka na ring yumaman.
DAPAT GAWIN
Sa kasalukuyan, Edmond, ituloy mo lang ang iyong ginagawa at ‘wag ka masyadong magpadala o mamroblema sa kasalukuyan mong sitwasyon. Kahit may bahagya kang suliranin sa trabaho, lilipas din ‘yan dahil sa bandang huli, ang nakaguhit pa rin sa kaliwa at kanan mong palad ang masusunod at matutupad. Gayunman, sa pagbungad ng 2024, maaabsuwelto ka na sa iyong kinakaharap na problema at kasunod nito, malilinis na rin ang iyong pangalan hanggang sa makabalik ka na ulit sa serbisyo hanggang sa maabot mo ang early retirement age. Kapag retired ka na, magnegosyo ka na upang tuluy-tuloy na ring umunlad at lumago nang lumago ang inyong kabuhayan hanggang sa tuluyan ka ng yumaman.
Comments