@Buti na lang may SSS | August 15, 2021
Dear SSS,
Magandang araw! Nabalitaan ko na nagbibigay ng tulong pinansiyal ang SSS para sa mga miyembrong nawalan ng trabaho. Ano ba ito at magkano ang benepisyong maaari kong tanggapin sa tulad kong nawalan ng trabaho? – Clark
Sagot:
Mabuting araw sa iyo, Clark!
Simula ng maipatupad ang Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018 noong Marso 5, 2019, nagkaroon na ang SSS ng benepisyo para sa mga manggagawang inboluntaryong nawalan ng trabaho – ito ang unemployment benefit. Sa ilalim ng programang ito, maaari kang makatanggap ng hanggang P20,000 na maximum benefit na magagamit mo habang ikaw ay wala pang bagong trabaho.
Noong nakaraang taon, mahigit sa P1.71 bilyon unemployment benefit ang nabigyan ng SSS sa sa mahigit 135,000 kuwalipikadong miyembro. Ang nasabing halaga ay siyam na beses na mas mataas sa naibigay na unemployment benefit noong 2019. Kaya daang libong miyembro na ang natulungan ng benepisyong ito sa napapanahong sitwasyon na ating kinakaharap sanhi ng pandemya.
Upang mag-qualify, kinakailangang ikaw ay hindi lalagpas sa 60-taong gulang sa panahon ng iyong aplikasyon. Kung ikaw ay underground o surface mineworker, hindi dapat higit sa 50-taong gulang at 55-taong gulang naman kung racehorse jockey. Dapat nakapaghulog din ng hindi bababa sa 36 buwang kontribusyon kung saan ang 12 kontribusyon ay naibayad sa loob ng 18 buwan bago ang buwan na nawalan ng trabaho ang miyembro.
Bukod dito, maaari lamang bigyan ng unemployment benefit ang mga empleyado na inboluntaryong natanggal sa trabaho kung legal ang kanilang pagkakatanggal na naaayon sa Labor Code of the Philippines tulad ng paglalagay ng labor-saving devices ng kumpanya, redundancy, retrenchment, pagsasara o pagtigil ng kanilang operasyon o negosyo, at pagkakaroon ng sakit o karamdaman na hindi na pinahihintulutan ng batas na makapagtrabaho pa. Kasama rito ang pagkakatanggal sa trabaho bunsod ng pagbagsak ng ekonomiya, pagtama ng kalamidad at mga kahalintulad na dahilan na maaaring tukuyin ng SSS at Department of Labor and Employment (DOLE).
Paalala namin sa iyo na maaari mo lamang i-file ang iyong aplikasyon sa loob ng isang taon mula sa araw ng inboluntaryong pagkakatanggal mo sa trabaho, Clark. Samantala, maaari kang mag-apply ng unemployment benefit sa pamamagitan ng iyong My.SSS account na nasa SSS website. Mag-log in ka sa iyong My.SSS account at hanapin mo ang“apply for the unemployment benefit claim” sa E-SERVICES.
◘◘◘
Nais naming ipaalam sa mga retiree pensioners na bukas pa rin ang Pension Loan Program (PLP) ng SSS para sa kanilang panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Mula Setyembre 15, 2020, maaaring magsumite ng aplikasyon online sa pamamagitan ng My.SSS na matatagpuan sa SSS website (www.sss.gov.ph). Kinakailangan lamang na mag-log in ang retiree-pensioner sa kanyang My.SSS account at piliin ang E-services sa tab nito ati-click ang “Apply for Pension Loan.” Punan ang lahat ng hinihinging impormasyon at isumite ang aplikasyon. Makakahiram kayo ng hanggang P200,000 bilang maximum loanable amount na maaaring bayaran ng hanggang 24-months o dalawang taon.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Comentarios