ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | December 22, 2022
Inihain natin kamakailan ang panukalang batas na layong ibalik ang dalawang taong mandatory Basic Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Program at ang two-year voluntary Advance ROTC Program sa kolehiyo.
Saklaw ng Senate Bill No. 1551 o Mandatory Basic Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Act ang lahat ng mga mag-aaral na kumuha ng undergraduate degree, diploma o certificate program sa lahat ng pampubliko at pribadong mga pamantasan, kolehiyo, vocational schools at iba pang tertiary educational institutions.
Sa ilalim ng Basic ROTC program, ang mga mag-aaral sa kolehiyo ay dadaan sa basic military at leadership training. Ito ay upang paigtingin ang kakayahan ng bansa na rumesponde sa panahon ng digmaan, sakuna at kalamidad. Maliban sa military training, magiging bahagi rin ng Basic ROTC ang civic training at mas maigting na paghahanda sa pagresponde sa kalamidad.
Naniniwala tayong mas mainam na ibalik ang Basic ROTC sa kolehiyo imbes na ipatupad ito sa Senior High School. Mas kailangan kasing tutukan ang learning recovery sa basic education, lalo na’t nakaranas ang mga mag-aaral ng learning loss dahil sa COVID-19 pandemic. Bukod dito, ang pagdagdag ng Basic ROTC sa Senior High School ay salungat sa ginagawang pagrepaso sa K to 12 curriculum, kaya ating binawi ang naunang panukalang ROTC sa high school.
Bukod dito ay kapuna-puna rin ang magiging gastos sa pagpapatupad ng Basic ROTC sa Senior High School. Tinataya ng Department of Education (DepEd) at Department of National Defense (DND) na kakailanganin ang mahigit siyam na bilyong piso para sa pagpapatupad ng programa sa buong bansa, isang napakalaking halaga sa gitna ng paahon pa lamang na ekonomiya mula sa pandemic COVID-19.
Pero hindi nangangahulugang absuwelto na ang mga nasa Senior High School dahil kung ipatutupad ang Basic ROTC sa kolehiyo, sasalang din sa programa ang malaking porsyento ng Senior High School graduates upang maging bahagi ng Reserve Force. Nitong nakaraang apat na taon, 81 porsyento ang average ng mga Senior High School graduates na nagpatuloy sa kolehiyo.
Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, isinusulong ng inyong lingkod ang pagbabalik ng Basic ROTC upang ituro sa ating mga kabataan ang disiplina at pagmamahal sa ating bansa, lalo na’t sila ang susunod na mamumuno sa bansa.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comentários