ni Gerard Peter - @Sports | July 03, 2021
Umabot na sa 19 ang kabuuang bilang ng national athletes na sasabak sa 2020+1 Tokyo Olympics matapos opisyal na ideklara ng International Swimming Federation (FINA) ang pagkakasama nina Pinoy swimmers Luke Michael Gebbie at Remedy Alexis Rule sa quadrennial meet.
Lalangoy ang 2 Filipino-Foreign swimmers sa prestihiyosong Summer Olympic Games sa Hulyo 24-Agosto 8 sa Tokyo, Japan, kasunod ng pagbibigay ng Universality Places ng International Olympic Committee (IOC).
Kakarera sa tubigang 24-anyos na silver at bronze medalist ng SEA Games sa men’s 100m freestyle matapos makuha ang 828 FINA points, habang ang Texas Longhorns standout at double silver at bronze medalist sa 2019 SEAG ay sasalang sa women’s 200m butterfly sa nakolektang 830 FINA points.
Pinapurihan ni Philippine Swimming Inc. (PSI) president Lani Velasco ang pagpasok ng 2 Fil-Foreign athletes na nanguna sa top-ranked swimmers sa bansa kasunod ng mga nilahukang qualifying tournaments.
“We congratulate the two swimmers for making it to the Philippine Olympic team! We thank them for their continuing dedication and sacrifice to serve our country well and we wish them all the best at the coming Olympic Games!” pahayag ni Velasco sa Facebook page, na pinuri rin ang ibang swimmers na sumabak sa mga qualifying tournaments gaya nina 2019 SEAG men’s 100m breaststroke gold medalist Jimmy Deiparine at 2-time Olympian at many-time SEAG medalist Jasmine Alkhaldi.
“We also wish to commend all our other swimmers who gave their best to qualify for the Games, despite the recent circumstances. We hope you can all continue working towards achieving that Olympic dream in the coming years,” wika ni Velasco.
Makakasama nina Gebbie at Rule ang 17 pang atleta sa Olympiad na binubuo nina Ernest Obiena; Carlos Yulo; Eumir Marcial, Irish Magno, Nesthy Petecio, at Carlo Paalam; Chris Niervarez; Kurt Barbosa; Margielyn Didal; 2016 Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz at Elreen Ando sa weightlifting; shooter Jayson Valdez; women’s judoka Kiyomi Watanabe; sprinter Kristina Knott; at golfers Juvic Pagdanganan, 2021 US Open champion Yuka Saso at Bianca Pagdanganan.
Comentarios