top of page
Search
BULGAR

2 quarantine facilities, gagawing isolation center — DOTR

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 9, 2021




Dalawang quarantine facilities na pinatatakbo ng Philippine Ports Authority (PPA) sa Manila South Harbor at sa Port Capinpin sa bayan ng Orion, Bataan ang gagawing COVID-19 isolation center, upang matugunan ang kakulangan sa pasilidad simula ngayong Biyernes, Abril 9.


Ayon sa Department of Transportation, isang taon na mula nang i-convert ang Eva Macapagal Super Terminal sa Pier 15 bilang treatment facility na mayroong 211 cubicles. Bawat cubicle ay may kasamang portable toilets, modular showers at iba pa. Una iyong ipinagamit sa mga umuwing seafarer at overseas Filipino workers na isinailalim sa 14-day quarantine.


Samantala, hanggang 124 na pasyente naman ang kayang i-admit sa Port Capinpin Quarantine Facility, na binuksan noong October, 2020 para sa mga seafarers. Mayroon itong 25 cubicles para sa high-risk, hiwalay na nurses station, at 2 kuwarto na may bunk beds para sa mga medical frontliners.


Tiniyak din ng PPA na magpapatupad sila ng mahigpit na protocols upang masigurado ang kaligtasan ng mga ia-admit na pasyente.


Nagsagawa na rin ng inspeksiyon ang Department of Health (DOH) para malaman ang iba pang kakailanganin sa iko-convert na mga pasilidad.


Giit pa ng DOH, sa kanila manggagaling ang mga kagamitan at tauhan sa operasyon ng bagong isolation facility.


Sa ngayon ay umabot na sa 828,366 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa, ngunit sa bilang na ito ay 167,279 lamang ang aktibo, sapagkat ang 646,968 ay mga gumaling na, habang 14,119 naman ang pumanaw.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page