ni Lolet Abania | January 22, 2021
Sinibak na sa puwesto ang hepe ng Binangonan Municipal Police Station dahil sa umano’y extortion activities ng kanyang mga tauhan.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Police General Debold Sinas sa isang interview ngayong Biyernes, "'Yung chief of police po doon, nag-report 'yung regional director doon, si General Felipe Natividad, ay pina-relieve rin niya, pending investigation for negligence dahil nangyari po 'yun sa loob ng istasyon po nila."
Ayon sa Calabarzon police, pinalitan si Police Lieutenant Colonel Ferdinand Ancheta ni Police Major Amadeo Estrella III.
Ginawa ang pagsibak kay Ancheta matapos na dalawang civilian agents ng police station ang naaresto ng mga operatiba mula sa PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group dahil sa umano'y extortion activities.
Ayon sa pulisya, ang dalawang naarestong indibidwal ay nangikil umano ng pera sa isang Stephen Kellu kapalit ng pag-release ng na-impound nitong motorsiklo.
Base sa inisyal na imbestigasyon, may iba pang kawani ng Binangonan Municipal Police Station ang sinasabing sangkot sa mga extortion activities.
Comments