ni Mary Gutierrez Almirañez | March 10, 2021
Kumpirmadong isa ang positibo sa UK variant, habang isa rin sa South African variant ng COVID-19 sa Mandaluyong City, ayon sa panayam kay Mayor Menchie Abalos kaninang umaga, Marso 10.
Aniya, "Karamihan kasi sa amin na nagkaroon ng COVID, mga condominium. Karamihan d'yan, 1 lang per floor. Ang hirap namin i-lockdown, pero pinapabantayan na lang namin. Kinakausap na lang namin 'yung mga administrator ng condo na kung puwede, higpitan na lang nila 'yung kanilang amenities.”
Hiniling ng alkade na ipasara muna ang bawat gym at swimming pool sa mga condominium. Tiyakin din aniya na nakukuha palagi ang body temperature at siguraduhing may inilaang foot bath para sa mga pumapasok sa bawat establisimyento.
Dagdag niya, dumoble ang bilang ng aktibong kaso sa lungsod mula sa 134 ay naging 276 na ito. Iginiit pa niyang dulot iyon ng pagbabalik sa trabaho ng mga empleyado at ang pagiging kampante ng mga residente.
Sa ngayon ay pinaplano ng alkalde na ipasara ang isang pasilyo mula sa mga block ng Barangay Addition Hills.
Commentaires