ni Gerard Peter - @Sports | May 27, 2021
Dalawang Philippine national boxers ang didiretso sa semifinal round ng 2021 Asian Elite Men’s and Women’s Boxing Championships kasunod ng mga impresibong panalo sa ikalawang araw ng aksyon sa Dubai, UAE.
Nagpakawala ng malulutong na kombinasyon sa mukha si Mark Lester Durens upang makuha ang referee stop contest (RSC) sa quarterfinal round laban kay Mansour Khalefahat ng Kuwait sa unang round pa lang ng men’s -under49kgs light-flyweight division upang umabante sa semifinal round.
Nakatakdang makatapat ni Durens si Daniyal Sabit ng Kazakhstan na tinalo naman sa kanilang sariling quarterfinal bout si Kornelis Kwangu Langu ng Indonesia via 5-0.
Nakakuha rin ng ticket patungong semifinals sa men’s bantamweight category si Junmilardo Ogayre ng gulpihin si Rukmal Prasanna ng Sri Lanka via 5-0, mula sa 30-27, 30-27, 29-28, 30-27, at 29-28 sa mga hurado. Sunod na kakaharapin ni Ogayre si No.1 seed Mirazizbek Mirzahalilov ng Uzbekistan na dinaig si Mohammad Hassam Uddin ng India sa iskor na 4-1.
Tumawid din ng quarterfinals si Jere Samuel dela Cruz ng banatan si Jeewantha Wimukthi, 4-1 sa lightweight bout para kaharapin si Varinder Singh ng India.
Matapos ang impresibong panalo ni John Paul Panuayan sa preliminary rounds laban kay Majid Alnaqbi ng UAE, yumuko ito sa quarterfinals kay No.1 seed Bakhodur Usmonovat ng Tajikistan matapos makuha ang referee stop contest sa round no.3 sa welterweight class.
Hindi rin nakalusot sa semifinals si Maricel dela Torre sa women’s lightweight category ng sibakin ni 2019 Southeast Asian Games bronze medalist Huswaton Hashanah ng Indonesia sa pamamagitan ng 0-5 mula sa 27-30, 27-30, 26-30, 27-30 at 27-30 sa mga hurado.
Maaga namang napatalsik si 2018 Tammer Cup gold medalist Marvin Tabamo sa preliminary round ng men’s flyweight laban kay Ramish Rahmani ng Afghanistan, 2-3, na silver medalist sa President Cup.
Comments