ni Gerard Peter - @Sports | October 20, 2020
Dalawang Filipinong boksingero ang pinatumba ang kani-kanilang mga katunggali sa boxing event sa Miami, Florida, habang kabaligtaran naman ang kinalabasan sa isa pang Pinoy sa Las Vegas sa Nevada nang malasap nito ang knockout loss, Sabado ng gabi (Linggo ng umaga sa Pilipinas) sa pagpapatuloy ng mga aksyon sa boksing sa gitna ng nararanasang novel coronavirus disease (Covid-19) pandemic sa buong mundo.
Pinabagsak nina Sanman stables Mark “Machete” Bernarldez (21-4, 15KOs) at Jameson “Bring Home The” Bacon (25-4, 16KOs) sina Argentinians Julian “Chispita” Aristotle (34-14, 17KOs) sa 3rd round ng 8 round lightweight bout at 2nd round lamang si Gonzalo Carlos Dallera (6-9, 4KOs) sa scheduled 8 round welterweight battle, ayon sa pagkakasunod, sa Manual Airtime Community Center Theater sa Miami, Florida.
Masaklap na pagbabalik sa ibabaw ng ring ang sumalubong kay Filipino super-featherweight John Vincent “Mulawin” Moralde (23-4, 13KOs) nang pahigain ito ni Mexican prospect Jose Enrique “El Ejecutor” Vivas (20-1, 11KOs) sa unang round pa lang sa bubble venue facility ng MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Tatlong beses munang pinaluhod ng 26-anyos mula General Santos City na si Bernarldez ang journeyman na si Aristotle bago nito malasap ang 3rd round KO victory. Naiganti ni Bernarldez ang nakaraang pagkatalo kay undefeated Albert Bell (16-0, 5KOs) sa pamamagitan ng unanimous decision defeat noong Hulyo 2 sa loob ng “The Bubble” sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
Matagumpay sa kanyang unang pagsalang sa U.S. ang Mandaue City-native na si Bacon na kinailangan lang ng 2 rounds para tapusin ang Argentinian boxer. Muling nakabalik sa winning form ang 30-anyos na Cebuano boxer kasunod ng unanimous decision na talo nito kay Darragh Foley (18-4-1, 9KOs) ng Ireland noong isang taon.
Matapos patumbahin ng mabagsik na coronavirus disease (Covid-19) nitong nagdaang Hulyo, tila muling naulit ang pagbagsak ng 26-anyos na Davao City-native na si Moralde sa mga kamay ni Vivas sa 1:16 ng first round ng undercard match sa pagitan ng unification fight nina Vasyl Lomachenko and Teofimo Lopez.
Tinamaan ng matinding kaliwang suntok sa mukha si Moralde na nagpabagsak sa kanya, ngunit sinubukan pa nitong tumayo at lumaban, subalit muli itong nalugmok sa mga body punches ni Vivas. Naputol ang 2-fight winning streak ni Moralde na nahawa ng Covid-19 noong Hulyo na dahilan upang ma-ipagpaliban ang laban kay Mexican Alexis del Bosque noong Hulyo 16.
Pare-parehong ginabayan ng mahusay na boxing trainer na si Moro Hernandez ng Cuba sa ilalim ng Sanman Promotions ni JC Manangquil.
Comments