ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | October 2, 2022
Humarap sa ilang piling entertainment press ang dalawang female singers na sina Rozz Daniels and Irelyn Arana last Saturday para ireklamo ang veteran OPM singer na si Ivy Violan dahil diumamo sa pambubudol na ginawa sa kanila.
Parehong Filipina singers sina Rozz at Irelyn at nakabase sa America. Ang una ay nasa Wisconsin at tinaguriang “Soft Rock Diva ng US”. Ang huli naman ay nasa Chicago.
Magkasama silang dalawa sa KUMU show every Saturday titled The Rocks and Rozz Show.
Sino naman ang hindi makakakilala kay Ivy na maituturing ding isang icon sa music industry?
She’s an award-winning singer-composer na sumikat noong dekada ‘80-‘90.
Nakilala raw nina Rozz at Irelyn si Ivy through a mutual friend at nangako raw ang OPM singer na gagawan sila ng kanta na ire-release sa Viva Records.
Ayon kay Rozz ay nagawan daw siya ng 7 songs ni Ivy, nagbayad siya sa veteran singer/composer ng $1,000 per song plus $250 sa arrangement ng bawat kanta.
Isang taon na raw buhat nang magkasundo sila pero hanggang ngayon ay hindi pa naire-release ang mga songs sa Viva Records.
“Sabi niya, napasok na niya sa Viva Records. I know Viva. Viva is a big recording company.
July, 2021 ko natapos ang kantang Alay Sa ‘Yo and up to now, hindi pa rin nare-release.
“Sabi niya, ‘Napasok ko na sa Viva, tanggap na ng Viva ang kanta mo,’” kuwento ni Rozz.
Ang isang kanta ay nadagdagan pa ng 6 dahil kinukumbinse raw siya parati ni Ivy na igagawa pa siya ng kanta at gawin na nilang isang album na idi-distribute raw ng Viva.
“She’s using Viva Records,” sabi ni Rozz.
Ganu’n din ang kaso kay Irelyn. Kinumbinse rin siya ni Ivy na gawan ng kanta. Binayaran naman daw niya ang OPM singer/composer ng $2,000 for 2 songs.
“Gusto ko lang magkaroon ng isang kanta lang na matatawag kong akin. So, pumayag ako sa ano niya. Sabi niya, kasama ru’n ang promotion, and it’s gonna be thru Viva Records.
Kasama ang promotion, tapos sila ang mag-e-air ng kanta ru’n sa ibinayad ko.
“Kilala ko siya, si Ivy Violan, icon. So, I never thought na lolokohin niya ako,” pahayag ni Irelyn.
August, 2021 pa ang kasunduan nilang ito pero hanggang ngayon ay hindi pa rin daw naire-release ang kanyang kanta.
Ang tanong ngayon ng 2 singers ay kung totoo bang may koneksiyon si Ivy sa Viva Records at kung totoong ilalabas ba ng nasabing recording company ang kanilang mga kanta dahil feeling nga nila ay ini-scam lang sila ng veteran singer.
Hiling nina Rozz and Irelyn ngayon na kung hindi naman totoong ire-release ng Viva Records ang kanilang mga kanta tulad ng pangako ni Ivy, ibalik na lang sa kanila ang rights ng mga kanta dahil binayaran naman nila ‘yun. Kung hindi naman daw ay ibalik na lang sa kanila ang perang ibinayad nila.
Mensahe ni Rozz kay Ivy, “Huwag po kayong maging sinungaling. Nandiyan po ang karma. I trusted you, pero niloko n’yo kami.”
Mensahe naman ni Irelyn, “Pinagtrabahuhan po namin ang perang ibinayad sa inyo. Sana naman po ay makunsensiya kayo.”
Samantala, nag-iwan kami ng mensahe sa Facebook page ni Ivy para marinig ang kanyang side pero hanggang ngayon ay wala pa siyang sagot. Mananatiling bukas ang aming kolum para sa kanyang panig.
Comentarios