ni Lolet Abania | February 24, 2021
Patay ang dalawang pulis matapos ang barilan sa pagitan ng mga miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) at mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ngayong Miyerkules nang gabi.
Ayon kay National Capital Region Police Office chief Police Brig. Gen. Vicente Danao, Jr., dalawang pulis ang namatay sa insidente habang isa pa ang kritikal ang kondisyon.
Sinabi pa ni Danao, tatlong PDEA operatives naman ang nasugatan sa insidente. Sa ulat, nagsasagawa ang mga members ng QCPD District Special Operations Unit (DSOU) ng isang buy-bust operation sa isang fast food sa tabi ng Ever Gotesco Mall sa Commonwealth Avenue.
Agad na isinugod sa ospital ang team leader ng grupo ng QCPD-DSOU makaraang masugatan sa insidente. Ayon sa QCPD public information office, nagsimula ang engkuwentro bandang alas-6:08 ng gabi na nagpatuloy hanggang alas-7:00 ng gabi, kung saan ang mga ahente ng PDEA ay naroon din sa lugar.
Sa pahayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), nagkaroon ng barilan sa labas ng Ever Gotesco Mall kaya pansamantalang itinigil ang daloy ng trapiko sa eastbound lane ng Commonwealth Avenue.
Agad ding nagtungo sina PDEA Director General Wilkins Villanueva, PNP Chief Police General Debold Sinas, at QCPD Chief Police Brigadier General Danilo Macerin sa pinangyarihang insidente.
Ayon kay Sen. Richard Gordon, head ng Philippine Red Cross, ang shooting incident ay nangyari malapit sa overpass sa harapan ng nasabing mall. “Several gunshots were heard near the overpass at Ever Gotesco Mall at around 6:00 PM. Two PNP officers were reportedly wounded.
We already coordinated with QC Police Stations 5 & 6 and dispatched medic team to provide immediate assistance. Keep safe everyone,” pahayag sa tweet ni Gordon.
Naglabas naman ng isang statement ang pamunuan ng Ever Gotesco Commonwealth na sinasabing ligtas ang mga mamimili sa loob ng mall habang patuloy ang nagaganap na barilan.
"We have confirmed reports of a shootout that happened earlier outside of Ever Commonwealth. We have secured all access to the mall so all shoppers are safe inside," ayon sa pahayag ng pamunuan ng mall.
"Our priority right now is to ensure the safety of the employees and the public. The management is closely coordinating with the PNP of the current situation. Please bear with us as we allow the authorities to handle the situation.
For now, we hope for everyone’s cooperation to exercise caution in sharing unconfirmed information online," dagdag na pahayag.
Sa interview kay PDEA spokesperson Derrick Carreon, nagsasagawa ang kanilang mga agents ng lehitimong buy-bust sa Ever Gotesco Mall compound sa Commonwealth Avenue sa Quezon City nang maganap ang shootout.
“Hindi pa po malinaw ‘yung detalye base du'n sa mga pangyayari kanina except for the fact na ang alam po natin ay nag-coordinate ang ating mga tropa for a legitimate buy-bust operation in that area,” sabi ni Carreon.
Comments