ni Mary Gutierrez Almirañez | May 10, 2021
Apat na nagpositibo sa COVID-19 mula sa barkong nanggaling sa India ang isinugod na sa ospital, ayon sa Maritime Industry Authority (MARINA) ngayong araw, May 10.
Matatandaang sa 12 na nagpositibo ay 2 lamang sa kanila ang naka-confine sa ospital dahil sa critical conditions, habang naiwan naman sa loob ng MV Athens Bridge ang 10 mild patients upang sa barko muna mag-quarantine.
Subalit ngayong umaga ay napabalitang bigla na lamang nahirapang huminga ang dalawa sa mga naka-quarantine kaya kaagad din silang isinugod sa ospital.
"'Yung 2 sa 10, isinugod sa ospital dahil bumaba ang oxygen level. 'Di naman sila kinonsider na critical pa. Na-stabilize naman po," paliwanag ni MARINA OIC Captain Jeffrey Solon.
Samantala, maayos naman ang kondisyon ng 8 na naiwan sa barko.
Sa ngayon ay sinusuri pa ng Philippine Genome Center ang na-detect na variant ng COVID-19 sa lahat ng nagpositibo.
Comments