top of page
Search
BULGAR

2 palabas ng SMNI, suspendido — MTRCB

ni Eli San Miguel - Trainee @News | December 19, 2023




Pinatawan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ng Preventive Suspension Order ang dalawang programa ng SMNI matapos ang masusing pagsusuri at imbestigasyon hinggil sa paglabag sa Batas 1986.


Suspendido ang mga palabas na “Gikan Sa Masa, Para Sa Masa” at “Laban Kasama ang Bayan,” mula sa Disyembre 18, 2023.


Unang nakatanggap ang MTRCB ng mga reklamo hinggil sa umano'y death threats mula sa isang panauhin sa episode ng "Gikan Sa Masa, Para Sa Masa" noong ika-10 ng Oktubre.


Matapos ang paunang pag-uusap ng MTRCB noong Nobyembre 8 kung saan binalaan ang SMNI sa mas mabigat na parusa sa susunod na paglabag, nagpahayag ito ng pangako na magkakaroon sila ng pre-recorded shows upang masusing suriin ang bawat episode bago ito ilabas.


Noong Nobyembre 30, nakatanggap muli ng reklamo ang board tungkol sa umano'y death threats at pagmumura mula sa isang panauhin sa "Gikan Sa Masa, Para Sa Masa."

Inilabas ng board ang isa pang Notice para sa SMNI na humarap sa Hearing and Adjudication Committee noong Disyembre 7, na dinaluhan ni Atty. Mark Tolentino ng SMNI.


Noong Nobyembre 30, inireklamo naman sa Board ang "Laban Kasama ang Bayan" tungkol sa hindi-beripikadong balita hinggil sa P1.8 bilyon na travel funds ni House Speaker Martin Romualdez na sinundan ng Hearing and Adjudication Committee meeting noong Disyembre 7.


Itinuturing na isang aktibong hakbang ang preventive suspension na naglalayong solusyonan ang mga alalahanin at siguraduhin ang pagtalima sa pamantayan ng Board.


Epektibo ang suspensiyon sa loob ng 14 na araw, kung kailan inaasahan na tutugon at bibigyang solusyon ng SMNI ang mga natalakay na isyu.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page