ni Lolet Abania | September 9, 2020
Nasagip ng mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region III at pulisya ang 11 bayawak na ibebenta sana sa Pampanga.
Inaresto rin ng awtoridad ang dalawang tindero matapos na maaktuhang nagbebenta ang mga ito ng bayawak na nagkakahalaga ng P300 hanggang P900 kada isa depende sa laki. Wala namang binanggit na pagkakakilanlan sa mga suspek.
Ayon sa dalawang suspek, galing umano sa palaisdaan ang mga bayawak. Subali’t tinanggalan na ang mga ito ng mga ngipin. Gayunman, sasampahan ng kaukulang kaso ang mga naturang tindero.
Samantala, dinala na ang mga bayawak sa isang rehabilitation center sa Clark, Pampanga bago ito tuluyang pakawalan.
Ayon sa Republic Act 9147 of 2001 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act, nakapaloob dito ang pag-iingat at proteksiyon sa wildlife species at sa mga tirahan nito. May karampatang parusa sa sinumang lalabag sa batas.
Itinuturing na endangered species ang bayawak kaya ipinagbabawal ang panghuhuli, pagbebenta at pag-aalaga ng mga ito.
Comments