ni Lolet Abania | March 6, 2022
Dalawang mangingisda ang nasagip ng mga kapwa nila mangingisda, matapos na makitang palutang-lutang sa karagatan sa bahagi ng Barangay Nalvo sa bayan ng Sta. Maria, Ilocos Sur, ngayong Linggo ng umaga.
Namataan ang mga ito ng mga mangingisda rin mula sa nasabing barangay at sila ay tinulungan.
Ayon kay Mariano Servanio Jr., isa sa anim na mangingisda na sumagip sa dalawa, habang sila ay nasa laot natanawan nila na mayroong nagwawagayway ng tila damit sa kanila at humihingi ng tulong.
Agad naman nila itong nilapitan at tumambad sa kanila, ang dalawa na palutang-lutang habang nakagabay sa sirang bangka.
Sa salaysay ng dalawang mangingisda, nanggaling sila sa Bolinao, Pangasinan habang nabangga umano ang kanilang bangka ng isang barko nitong Biyernes.
“Ang kuwento nila, ala-una y media ng madaling-araw, dahil sa pagod sila sa pangingisda, nakatulog sila sa kanilang bangka at nang magising sila ay barko na ang nasa kanilang harapan,” sabi ni Servanio.
Sinabi pa ng mga nailigtas na mangingisda, dalawang gabi silang nagpalutang-lutang habang nakagabay-gabay sa sira nilang bangka.
Agad na dinala sa ospital ang dalawang mangingisda para itsek ang kanilang kondisyon at suriin.
Ipinaalam na rin sa kanilang pamilya ang naganap sa dalawa at sinabing ligtas na ang mga ito.
Comments