ni Lolet Abania | December 27, 2020
Naglabas ng babala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council ngayong Linggo sa posibleng pagbaha at landslides sa northern Luzon dahil sa dalawang low-pressure areas (LPAs) na namataan sa bansa.
Sa isang advisory ng NDRRMC, pinapayuhan ang publiko na maging handa anumang oras, lalo na sa mga lugar na mabilis ang pagbaha at mga landslide-prone areas, kahit pa ang dalawang LPAs na mino-monitor ng ahensiya ay hindi magiging tropical depressions.
"Communities located in flood-and landslide-prone areas, especially in the river basins, must remain vigilant and undertake all necessary precautions to ensure their safety," sabi ni NDRRMC Executive Director at Undersecretary Ricardo B. Jalad.
"We know we are in the holiday season but we must continue to be prepared for any emergency," dagdag ni Jalad.
Alas-9:00 ng umaga ngayong Linggo, December 27, namataan ang isang LPA sa layong 140 kilometers west-northwest ng Puerto Princesa, Palawan habang ang isa pa ay nasa 35 kilometers northeast ng Adet, Camarines Norte.
Katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan ang mararanasan sa buong Eastern Visayas, Bicol Region, Quezon, Aurora, Bulacan, Rizal, at Mindoro provinces.
Habang mahina hanggang sa katamtaman at paminsan-minsang malakas na pag-ulan ang inaasahan sa malaking bahagi ng Cagayan Valley, Metro Manila, natitirang bahagi ng Visayas, northern Mindanao, Zamboanga Peninsula, at natitirang bahagi ng central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, at CARAGA.
"Even though the weather systems are just LPAs, the public should not be complacent... LPAs bring heavy rains which cause floods and landslides," ani Department of Science and Technology (DOST) Undersecretary Renato Solidum Jr.
Comentários