ni Jeff Tumbado | May 4, 2022
Iniimbestigahan na ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD-CIDU) ang insidente ng pagpapadala umano ng mga buhay na bala sa opisina ng isang kongresista sa lungsod.
Batay sa ulat ng QCPD, dakong ala-1:20 ng hapon nang may isang babae na nagpadala ng selyadong kahon sa tanggapan nina Quezon City 5th District Rep. Alfred Vargas at Council PM Vargas sa Novaliches District Center Building, Jordan Plain Subdivision, Barangay Sta. Monica ng nasabing lungsod.
Tinanong umano ng staff ng mga Vargas ang babaeng naghatid ng kahon kung kanino nanggaling ngunit sinabi lamang na hindi nito alam at nagmamadaling lumabas ng gusali at iniwan ang kahon sa mesa. Nang buksan ng mga guwardiya ang kahon ay nakita ang dalawang bala ng 5.56 mm na baril sa loob.
Mabilis namang humingi ng tulong sa pulisya ang mga guwardiya upang maimbestigahan ang insidente at sa kaukulang disposisyon ng mga nadiskubreng live ammunition. Inaalam na rin sa mga kuha ng CCTV ang insidente.
Kapwa kumakandidato sa May 9 elections ang magkapatid sa pagka-kongresista at konsehal ng ika-5 Distrito ng Quezon City.
Isa sa mga mainit na kalaban ni PM Vargas sa pagka-kongresista ay ang kontrobersiyal na negosyanteng si Rose Nono Lim na iniuugnay sa iskandalo ng Pharmally deal at iniimbestigahan na rin ng QCPD dahil sa pagkakaroon umano ng private army.
“Hindi ako magpapatinag maski ang banta ay kasama na ang pamilya, at lalong hindi ako aatras para sa mga taga-Distrito Singko!” diin ng nakababatang Vargas.
Umapela naman si Rep. Vargas sa mga tagasuporta na manatiling mahinahon at tumulong na maprotekahan ang proseso ng eleksyon.
“Marami na pong nag-alok sa amin upang umatras sa eleksyon na ito pero hindi po namin puwedeng gawin ‘yun,” ayon sa kongresista.
Nagbabala naman si QCPD Chief Police Brigadier General Remus Medina sa mga kandidato na sumunod sa patakaran ng COMELEC upang maging peaceful and orderly ang eleksyon sa nasabing siyudad.
留言