ni Ambet Nabus @Let's See | August 9, 2024
Nakausap namin si Niño Muhlach habang nasa burol kami ni Mother Lily Monteverde. Kagagaling lang nito sa Senate hearing para sa isinampang kaso ng anak na si Sandro Muhlach.
Naikuwento nga ni Niño na itinigil ang hearing dahil sa tumaas ang kanyang blood pressure dala ng matinding emosyon habang sinasagot ang mga tanong sa pinagdaanan ng anak.
“Dapat silang magbayad. Harapin nila ang kaukulang parusa,” sey pa ni Niño sa ginawang paghingi ng ‘sorry’ sa kanya nina Jojo Nones at Dode Cruz.
“Sa harap mismo ni Atty. Annette Gozon, umiiyak sila at humihingi ng sorry sa ‘kin,” pagkumpirma pa ng tatay ni Sandro.
Lovi at Ivana, pumayag din daw sa frontal nudity... RAYMOND, NA-SCAM SA AUDITION, PINAGHUBAD
Nabiktima nga si Raymond Bagatsing ng scam o fake audition kung saan may isang nagpakilalang Jun Lana ang nag-imbita sa kanya.
Hindi ikinahiya ng magaling na aktor ang kanyang ginawa dahil bilang isang aktor ay normal naman daw ang pag-audition.
At dahil kilala niyang mahusay na direktor at kaibigan si Jun, inakala nga raw niyang ito mismo ang nag-imbita sa kanya.
May pagka-daring at bold ang sinasabing Japan-based movie project kaya’t sumunod daw si Raymond nang ipatanggal sa kanya ng nagpakilalang Jun Lana ang kanyang damit pang-itaas. Via Telegram (TG) daw naganap ang lahat, lalo’t binanggit pa sina Lovi Poe at Ivana Alawi na makakasama niya diumano at pumayag ang mga ito na magkaroon ng ‘frontal nudity’ sa naturang project.
Huli na nang malaman ni Raymond na pekeng Jun Lana pala ito kaya’t agad siyang gumawa ng paraan na ma-inform ang kaibigan pati na ang madla.
Agad namang naglabas ng statement sina Jun Lana at Idea First Company upang linawing hindi sa kanila nanggaling ang imbitasyon at wala silang kinalaman sa sinasabing Japanese project, sabay pagbibigay ng ‘tips’ kung paano nagaganap o ginagawa ang online audition.
Nakasabay namin sa ikatlong araw ng lamay para kay Mother Lily Monteverde sina dating Senador Kiko Pangilinan, Dina Bonnevie, Direk Joel Lamangan, ang mag-asawang Jerry at Jean Codiñera, Viena Fores, at ilang mga pamilyar na mukha sa larangan ng negosyo.
Nakatsikahan namin sandali ang magkakapatid na Dondon, Meme at Roselle Monteverde at ramdam mo talaga ang pinagdaraanan nilang sakit though may kani-kanya silang paraan ng pag-relay ng kuwento.
“Hindi biro ang nangyari. Halos hindi pa nga namin naisasara ang panchon ng Daddy nang bigla kaming maka-receive ng tawag mula sa hospital, where Mom was confined and her doctors told us to come over dahil baka nga raw hindi na namin maabutan si Mommy,” kuwento ni Meme.
“Naku, chickboy si Daddy, 'noh. For sure, gusto s’yang bantayan ni Mommy kaya ‘yun, sumama agad,” hirit pa ni Meme na parang si Mother Lily nga kung magkuwento.
Napagkuwentuhan naman namin ni Roselle ang Love Child movie nila sa Cinemalaya. Sayang nga raw na hindi na napanood ni Mother ang magandang movie, lalo’t advocate rin pala si Mother Lily ng “autism case” sa bansa na siya ngang subject ng movie.
Usaping sports naman ang napagkuwentuhan namin nina Dondon at Jerry Codiñera at kung paanong ‘karakter’ si Mother Lily pagdating sa paghanga sa mga basketball players. Aliw na aliw pa nga ang inyong lingkod sa pagtsika kung paano namin sinamahan si Mother sa isang game dati ni James Yap nu’ng nakikipag-date pa lang ito kay Kris Aquino.
Napakadami pang mga kuwento na sari-saring encounter kay Mother Lily ang narinig namin at lahat sila ay naglarawan kung paanong noong nabubuhay pa ang Regal matriarch ay tunay siyang livewire, center of attraction, reyna ng tsikahan, very motherly at mahal ng lahat.
Von voyage, Mother Lily at rest in peace po!
Comments