ni Lolet Abania | Pebrero 12, 2023
Iniimbestigahan ngayon ng Department of Education (DepEd) ang umano’y pamamahiya sa dalawang high school students sa Cebu City, kung saan inakusahan ng isang guro ng pandaraya sa periodical exam.
Batay sa report ng GMA News, isang guro sa Tisa National High School ang umano’y kumuha ng isang video habang pinapagalitan niya ang mga estudyante at ipinost ito online. Isa sa mga estudyante ay itinangging nandaya siya sa test. At dahil sa takot na ma-bully, nagpasya na lamang itong manatili sa bahay.
“Hindi mabuti ang kanyang ginawa, sir. Ipinahiya kami, sir. Hindi ako nakatulog,” pahayag ng estudyante na itinago sa pangalang “Dodong.” Sinabi pa ng estudyante na wala siyang kamalay-malay na may kumukuha na pala ng video sa insidente.
“Nalungkot ako, nagalit kung bakit in-upload niya, na pwede namang ipatawag niya ang aming mga magulang,” ani “Dodong”. Sang-ayon din ang ina ng estudyante na mas maganda sana aniya, kung ang mga magulang ng mga bata ay ipinatawag sa paaralan.
Sinabi pa ng ina ng bata na makikipag-usap naman sila at susunod sa magiging desisyon ng school principal patungkol sa naturang usapin. Pinuntahan at hiningan na rin ng komento ng GMA News ang naturang paaralan kaugnay dito, subalit sinabi ng pamunuan ng eskwelahan na ang gurong sangkot ay hindi pa nagpakita o pumasok nitong huling dalawang araw.
Gayunman, nakipag-usap din ang principal ng paaralan na si Roy Genares na ayon dito, “Gusto lang sana niyang ipaalam na bad talaga ang cheating. Ngunit mali pa rin ang paraan na ginagamit ni teacher.”
Ipinahayag naman ni DepEd-7 Regional Director Dr. Salustiano Jimenez, “I-observe lang natin ang mga policy ng DepEd, ang batas na nag-protect the learners in the child protection policy.” Giit pa ni Jimenez, “the professionalism policies recently issued by Vice President and Education Secretary Sara Duterte needed to be followed as well.”
Comments