ni Lolet Abania | September 24, 2021
Inaresto ang dalawang college student matapos na makuhanan ng hinihinalang shabu at marijuana na mahigit sa P1 milyon ang halaga sa isang buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Damayan, Quezon City.
Umabot sa 150 gramo ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng mahigit sa P1 milyon ang nakumpiska ng mga awtoridad mula sa mga suspek.
Paliwanag ng 19-anyos na suspek, sumusunod lamang umano siya sa iniuutos sa kanya na i-deliver ang mga hinihinalang shabu kapalit ng cash na P300 hanggang P500.
Subalit inamin nitong nagawa na niya ito noon ng limang beses.
Isa pang college student ang dinakip matapos na makuhanan naman ng 1 kilo ng marijuana na may street value na P120,000.
Inamin din ng suspek na sumusunod lamang umano siya sa instructions na i-deliver ang naturang ilegal na droga.
Ayon sa isang opisyal ng barangay ang mga suspek ay hindi residente sa lugar at maaaring doon lamang sila sinabihang magkikita.
Nahaharap ang mga suspek sa reklamo na may kaugnayan sa paglabag sa provisions ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Comments