by News @Balitang Probinsiya | September 14, 2024
Lanao Del Sur — Dalawang drug trafficker ang naaresto ng mga otoridad sa drug-bust operation ng mga operatiba kamakalawa sa Brgy. Poblacion, Marawi City sa lalawigang ito.
Habang iniimbestigahan ay hindi na muna pinangalanan ng pulisya ang dalawang suspek na kapwa nasa hustong gulang at parehong residente sa nasabing lungsod.
Nabatid na naaresto ang mga suspek nang pagbentahan nila ng shabu ang mga operatibang nagpanggap na buyer ng illegal drugs.
Ayon sa ulat, nakakumpiska ang mga otoridad ng mahigit 100 gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng mga suspek.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
KELOT, PATAY SA SUNOG
QUEZON -- Isang binata ang namatay nang tupukin ng apoy ang kanilang bahay kamakalawa sa Brgy. 9, Lucena City sa lalawigang ito.
Sa kahilingan ng pamilya ng biktima ay hindi na isinapubliko ng mga otoridad ang pangalan ng binatang nasa hustong gulang na nasawi sa sunog sa nabanggit na barangay.
Ayon sa ulat, nakita ng mga residente na biglang sumiklab ang sunog sa bahay ng biktima at mabilis na kumalat ang apoy kaya natupok ang buong kabahayan.
Sa imbestigasyon ay napag-alaman na na-trap sa loob ng kanyang kuwarto ang biktima habang nasusunog ang bahay.
Sa ngayon ay iniimbestigahan na ng mga otoridad ang sanhi ng sunog sa bahay ng biktima.
HVT SA DROGA, NASAKOTE
ILOILO -- Isang high-value target (HVT) na drug pusher ang dinakip ng mga otoridad sa buy-bust operation kamakalawa sa Brgy. Balabag, Pavia sa lalawigang ito.
Ang suspek ay kinilala ng pulisya na si Michael Lopez, nasa hustong gulang at residente ng nasabing barangay.
Nabatid na may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na nagbebenta ng shabu si Lopez kaya naaresto ito sa buy-bust operation.
Napag-alaman na nakakumpiska ang pulisya ng mga 90 gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng suspek.
Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Comments