top of page
Search
BULGAR

Presyo ng mga bulaklak, doble na bago pa ang Undas

ni Lolet Abania | October 30, 2022



Halos doble ang itinaas sa presto ng mga bulaklak ngayon, matapos na maging matumal nitong Sabado dahil sa Bagyong Paeng.


Sa kabila ng masigla nang bentahan at sumikip na rin ang mga daan sanhi ng mga namimili ng mga bulaklak sa Dangwa sa Sampaloc, Maynila ngayong Linggo, matindi naman ang naging pagtaas ng presyo ng mga ito.


Ayon sa isang flower vendor, mula sa Laguna ay dumayo pa siya sa Dangwa para lamang makabili ng iba’t ibang bulaklak na kanya ring ibebenta sa kanilang probinsya.


“Kahapon pa dapat kami. Bagyo nga. Mahirap abutin ng bagyo sa Maynila. May ilang daan ang lubog pa,” ayon sa naturang tindera.


Subalit, ang ikinagulat nito ay halos dumoble ang presyuhan ng mga bulaklak na kanyang binili kumpara sa mga nagdaang taon.


“’Yung binebenta naming bouquet last year na P300, ngayon baka P500. ‘Yung iba bina-bundle na namin sa kandila. Kasi bumagyo kaya gawa na lang ng paraan para mabawi ‘yung puhunan namin,” sabi ng flower vendor.


Aniya pa, tumaas na ng P50 ang ilang klase ng mga bulaklak, dalawang araw pa bago ang Undas.


Paliwanag ng mga vendor sa Dangwa, bukod sa mataas na ang demand nito, nakaapekto rin sa kanila ang Bagyong Paeng sa presyo ng mga bulaklak.


“Konti ang nagtanim kasi akala nila mahigpit pa rin. Konti lang ang dumadating na suplay kaya tumaas ang presyo ng bulaklak,” saad ng isang tindera sa Dangwa.


Ayon pa sa naturang tindera, posibleng tumaas pa ng hanggang P50 ang presyo ng bulaklak sa nasabing lugar hanggang sa pagsapit ng Undas.


Batay sa ulat, sa ngayon ang presyo ng mga bulaklak sa Dangwa ay ang mga sumusunod:


Radus -- P250/bundle (noon ay P200/bundle)

Malaysian Mums -- P280/bundle (noon ay P150/bundle)

Carnation -- P250/bundle (noon ay P220/bundle)

Roses -- P50/stem (noon ay P100/stem)


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page