top of page
Search
BULGAR

2 contestants sa It's Showtime, napahiya raw… NIKKO, IPINATATANGGAL SA SERYE NI COCO NG FANS NI VICE GANDA

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | June 8, 2024



File photo showbiz


Hindi nakuha ng Hashtags member na si Nikko Natividad ang simpatya ng madlang pipol dahil negang-nega siya ngayon sa mga supporters ng It’s Showtime host na si Vice Ganda. At dahil dito, maraming nagpo-post na ipinepetisyon siyang matanggal sa seryeng FPJ’s Batang Quiapo kung saan gumaganap siya bilang Emong na pinsan ni Ivana Alawi as Bubbles.


Matatandaang nagbigay ng opinyon si Nikko sa sinabi ni Vice Ganda kay Axel na guest nila sa segment na Expecially For You dahil sa inakalang ibebeso ng searchee ang searcher na si Cristine.


Bagama’t hindi pinangalanan ng aktor si Meme Vice ay halata naman kung sino ang tinutukoy niya sa Facebook post niyang, “Ipagpalagay na natin na bebeso talaga ‘yung lalaki. Hindi naman n’ya intensiyon manyakin sa live ‘yung babae.


“Ang mali lang n’ya ay hindi n’ya alam na need pala muna magpaalam bago bumeso. Na-offend man siya, alam ko na mapapatawad niya 'yung lalaki. Sobra lang kasi napahiya 'yung lalaki na sasabihan pa na tatadyakan at puwede kasuhan. Again, sa 'kin lang po ito, ha, alam ko kasi ang pakiramdam ng ipinapahiya sa TV at napa-powertrip base sa experience ko.


“Naaawa ako sa dalawang contestants. Gusto lang nila ma-experience ang exposure pero sobrang trauma ‘yung nakuha nila. Lalagyan lang n’ya ng charot sa dulo, lulusot na ‘yan.”


Anyway, trending si Nikko nu’ng Huwebes hanggang kahapon, Biyernes, dahil pinutakti na siya ng mga bashers. Pati ang nananahimik niyang karakter sa Batang Quiapo ay nadamay.


Base sa post mula sa X (dating Twitter), “Petition for Nikko Natividad to be removed from Batang Quiapo show of Vice Ganda’s best friend Coco Martin.”


May nabasa pa kaming hindi man lang marunong lumingon si Nikko kung saan siya nanggaling bilang miyembro ng grupong Hashtags na pinasikat ng It’s Showtime. Sino raw ba ang mukha ng programa, hindi ba’t si Vice Ganda?


Mahusay umarte si Nikko sa karakter niyang Emong sa Batang Quiapo kahit nakakairita dahil sobrang ingay at inaapi si Coco dahil ayaw niya itong makarelasyon ng pinsan niyang si Bubbles.


Maraming iritable kay Nikko sa nasabing palabas. Pero sa pagkakakilala namin kay Coco ay hindi naman niya siguro tatanggalin ang aktor dahil lang sa naglabas ito ng opinyon laban sa kaibigan niyang si Vice Ganda.


Unless, nagpakita ng hindi magandang ugali lalo na sa trabaho niya si Nikko at tiyak na ru'n siya mae-eject kahit kasisimula lang niya noong Marso sa Batang Quiapo.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page