ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | December 03, 2021
Sa tinaguriang Dengvaxia cases na hinahawakan namin, may mga magulang at iba pang mga mahal sa buhay ng mga naturukan ng nasabing bakuna na aminadong ang naturang vaccinees ay nagkaroon na noon ng karamdaman. Gayunman, hindi ‘yun humantong sa kritikal na kalagayan — sa katunayan, ito ay nalunasan. Isa sa kanila si John Paul Dumaplin, anak nina G. Nelson at Gng. Gloria Dumaplin ng Laguna. Ayon kina G. at Gng. Dumaplin,
“Noong una siyang nagkasakit, binigyan lamang ng Gatorade at K-Lyte at bumuti na ang kanyang kalagayan. Subalit nang dahil sa Dengvaxia vaccine na naiturok sa kanya ay nawala siya sa amin.”
Si John Paul, 13, binawian ng buhay noong Setyembre 26, 2018. Siya ang ika-91 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si John Paul ay naturukan ng Dengvaxia ng dalawang beses; una noong Abril 19, 2016, at pangalawa noong Nobyembre 22, 2016 sa kanilang paaralan. Ayon sa kanyang mga magulang, bago pa man maturukan ng nasabing bakuna si John Paul ay hindi pa siya naospital bukod na lamang noong Enero 2015 nang ma-confine siya sa isang ospital sa Batangas dahil mababa diumano ang kanyang potassium level na naging sanhi ng kanyang pagka-paralyze. Siya ay niresetahan noon ng K-Lyte na gamot. Pagkatapos ng isang linggo, sinabihan sila ng doktor na maaari nang umuwi ng bahay. Anila G. at Gng. Dumaplin,
“Ang aming anak na si John Paul ay isang masayahin, masigla at malusog na bata. Kailangan lang naming i-monitor ang kanyang potassium level. Hindi na rin siya muling naospital pagkatapos maospital noong 2015. Ngunit matapos siyang mabakunahan ng kontra-dengue ay nagbago ang kanyang nararamdaman at naging madalas nang mababa ang kanyang potassium level.”
Noong Hunyo 2018, na-paralyze si John Paul. Hindi niya maigalaw ang kanyang buong katawan. Bumubuti naman ang kanyang kalagayan pagkatapos niyang uminom ng Gatorade at K-Lyte na gamot. Subalit naging pabalik-balik ang mga nasabing sintomas hanggang sa siya ay binawian ng buhay.
Dalawang araw ng Setyembre 2018 ang naging kritikal sa buhay ni John Paul. Narito ang kaugnay na mga detalye:
Setyembre 25 - Nakaramdam si John Paul ng sobrang pag-init sa katawan. Gusto niyang maligo at punasan ng malamig na tubig ang kanyang katawan. Nagreklamo rin siya ng pananakit sa tagiliran, ulo at tiyan, at siya ay nagsuka. May mga pasa rin sa kanyang hita. Pagsapit ng hatinggabi ng nasabing araw, muli siyang na-paralyze. Isinugod siya sa isang ospital sa Cabuyao City kung saan sinuri ang kanyang dugo at nakitang mababa ang kanyang potassium level. Kailangan siyang i-confine sa Intensive Care Unit (ICU). Dahil walang ICU ang nasabing ospital, inilipat siya sa isang ospital sa Batangas City. Siya ay nanatili sa emergency room dahil walang available na kama sa ICU.
Setyembre 26 - Hindi na siya makapagsalita. Siya ay isinailalim sa iba’t ibang pagsusuri gaya ng Electrocardiogram (ECG). Alas-11:00 ng umaga, siya naipasok sa ICU at pagsapit ng alas-3:00 ng hapon, tumirik ang kanyang mga mata. Pagsapit ng alas-5:00 ng hapon, nahihirapan na siyang huminga at naging kritikal na siya. Sinubukan siyang i-revive ng mga doktor, subalit pagsapit ng alas-6:00 ng gabi, tuluyan nang pumanaw si John Paul. Narito ang bahagi ng salaysay nina G. at Gng. Dumaplin sa sinapit na trahedya ng kanilang anak:
“Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia vaccine kay John Paul at sa iba pang mga bata. Hindi nila ipinaliwanag kung ano ang maaaring maging epekto ng nasabing bakuna kontra dengue sa kalusugan ng aming anak. Kung hindi nabakunahan si John Paul, nabubuhay pa sana siya ngayon dahil wala naman kaming nalalaman na karamdaman niya na maaaring maging sanhi nang agaran niyang pagkamatay. Kaya kinakailangang may managot sa naging kapabayaan ng mga taong nagbakuna sa aming anak. Nakakatulong siya sa amin sa araw-araw na gawain kaya nakakalungkot para sa amin nawala na lamang siya nang ganu’n.”
Hindi maitatakwil ang labis na paghihirap ni John Paul bago siya bawian ng buhay. Anang kanyang mga magulang, “Mabait siyang bata ngunit nang siya ay may sakit ay nakakapagmura siya kapag siya ay nahahawakan dala ng matindings sakit sa katawan na kanyang nararanasan.” Ang kalagayang ito at iba pang paghihirap na dinanas ni John Paul ang higit pang nagpapabigat sa dibdib nina G. at Gng. Dumaplin na iniinda nila hanggang ngayon.
Ang aming tulong legal sa PAO at forensic services ng PAO Forensic Team na kanilang hiniling ay ibinigay namin. Patuloy din ang aming pagpupunyagi na makamit ang katarungan para kay John Paul. Nawa ang mga ito ay makagaan sa kanilang pasanin hanggang sa aming matamo ang hustisyang nararapat para sa kanilang pinakamamahal na yumaong panganay na anak.
Comentarios