top of page
Search
BULGAR

2 beses nabakunahan ng Dengvaxia… Leukemia at Tuberculosis, dinanas ng 14-anyos na namatay sa bakuna

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 21, 2023



Larawan ng katatagan ang pamilyang Pilipino sa kabila ng matinding pagsubok sa buhay. Ang katatagang ito ay mababanaag sa pamilya nina G. Jessie at Gng. Analyn Dela Cruz ng Cavite. Ang anak nilang si Dick John Dela Cruz ay nagkaroon ng malubhang karamdaman na naging mitsa ng buhay nito.


Bagama’t pinapupurihan natin ang katatagang ito, ninanais natin at gumagawa tayo ng mga konkretong hakbang upang hindi na muli maulit ang pagbubuwis ng buhay lalo na kung ang sanhi nito ay ang matinding kapabayaan. Kaugnay nito, narito ang bahagi ng salaysay ng mag-asawang Dela Cruz:

“Napakasakit ito para sa amin dahil sa halip na gumaling ang aming anak ay lumala pa ang kanyang kundisyon. Magkagayunman dahil sa kagustuhan naming gumaling ang aming anak ay itinuloy pa rin namin ang kanyang gamutan, subalit napansin naming nangangayayat na siya, pilit pa ring lumalaban si Dick John sa kabila ng lahat hanggang sa bumigay na ang mura nitong katawan na natamo niya matapos na siya ay mabakunahan ng Dengvaxia vaccine.”

Ayon kay Gng. Dela Cruz, bago mabakunahan si Dick John, mayroong papel na pinapipirmahan sa kanya ang kanyang anak para maturukan umano siya ng nasabing bakuna.

Dagdag pa niya sa kanyang salaysay: “Sa papel na iyon ay walang nakalagay kung ano ang magiging epekto ng nasabing bakuna sa kalusugan ng aming anak, maliban sa kontra sa dengue. Marami sa kanilang eskuwelahan ang nabakunahan at ayon sa kanila maigi pangontra sa dengue ang bakuna kung kaya’t pumayag kami.”

Si Dick John, 14, namatay noong Mayo 24, 2021. Siya ang ika-164 na mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki, at pagdurugo ng lamang-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015}. Siya ay sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ito ng kanyang mga magulang. Siya ay naturukan ng Dengvaxia ng dalawang beses; una noong Abril 5, 2016 at pangalawa noong Nobyembre 24, 2016 sa kanilang eskwelahan sa Cavite. Naging maayos naman ang naging kalagayan ni Dick John matapos siya'y mabakunahan. Ngunit mula Marso hanggang Agosto 2018, narito ang matinding pinagdaanan ng kanyang murang katawan:

Marso 2018 - Masakit umano ang kanyang tuhod at nananakit din ang kanyang mga kasu-kasuan. Pinapainom at pinahiran siya ng kanyang magulang ng herbal medicine at nawawala naman ang mga sakit na naramdaman niya.

Unang linggo ng Abril 2018 - Nagkaroon siya ng kulani sa kanyang leeg, agad na pinacheck-up siya sa isang medical center. Isinailalim siya sa physical examination at binigyan ng antibiotics. Sinabihan sila ng doktor na bumalik siya pagkatapos ng pitong araw na gamutan.

Pangalawang linggo ng Abril 2018 - Pagbalik nila sa nasabing doktor ay sinabi nitong nando’n pa rin ang bukol. Sinabihan sila na ipa-x-ray siya at napag-alaman nila na mayroon diumanong tama ang kanyang baga. Positibo umano siya sa Tuberculosis, kaya naman ay isinailalim siya sa anim na buwang gamutan. Subalit hindi siya rito gumaling at lalo pang dumami ang kanyang mga bukol. Nagkaroon na rin siya sa kanyang kili-kili at singit.

Agosto 2018 - Dinala siya sa isang ospital sa Manila, at doon ay na-diagnosed siya na mayroong “Acute Lymphoblastic Leukemia” (Acute Lymphocytic Leukemia). Sinabihan sila ng mga doktor na isailalim sa chemotherapy, subalit hindi pumayag si G. Dela Cruz dahil may nakita diumano siyang namatay habang sumasailalim sa chemotherapy.

Setyembre 11, 2018 - Dinala si Dick John sa isang ospital sa Quezon City, dahil hirap siyang maglakad at manas na ang kanyang mga paa. Doon ay nakumpirma na mayroon nga siyang “Acute Lymphoblastic Leukemia.” dahil kumpirmadong mayroon siyang Leukemia, isinailalim siya sa oral chemotherapy, at do’n ay bumuti naman ang kanyang kalagayan.

Mula 2020 hanggang 2021, mas lalo pang lumala ang kondisyon ni Dick John. At humantong na nga ito sa kanyang pagpanaw. Narito ang kaugnay na mga detalye:

Abril 2020 – Mula nang mag-lockdown, noong Abril 2020 ay natigil din ang Chemotherapy niya dahil hindi na siya maibalik ng kanyang pamilya sa nasabing ospital sa Quezon City.

Hulyo 2020 - Naipagpatuloy lamang ang kanyang chemotherapy nitong buwang ito. Nagpatuloy ang kanyang gamutan hanggang sa mga sumunod na buwan.

Enero 25 - 29, 2021 - Na-confine siya sa ospital dahil bumaba ang kanyang ANC level. Nanatili siya roon hanggang Enero 29, 2021.

Mayo 24, 2021 - Sa kabila ng patuloy na paggagamot sa kanya, siya ay pumanaw sa araw na ito.

Salaysay ng kanyang mga magulang: “Hindi na namin siya naitakbo sa ospital at inabutan na siya sa aming tahanan.”


Dagdag pa nila, “Napakalungkot ang mawalan ng anak na inalagaan at kung maaari ay ayaw naming siyang mahirapan, subalit nang dahil sa bakuna na ibinigay sa kanya ay nag-iba ang kanyang kalusugan. Sa haba ng panahon na siya ay sumasailalim sa chemotherapy napakahirap ng kanyang pinagdaanan. Malaki rin ang paniniwala namin na ang Dengvaxia vaccine ang sanhi ng pagkamatay niya. Ang kanyang mga nararamdaman ay parehas ng mga naramdaman ng mga batang katulad niyang nabakunahan at namatay din. Hindi rin naman siya nagkakaroon ng dengue bago siya maturukan.


Malakas at malusog na bata si Dick John, nagsimula lamang ang hindi magandang kalusugan niya nang siya ay maturukan ng Dengvaxia vaccine. Hindi siya na-ospital mula noong siya'y bata. Nagsimula lamang siyang ma-ospital nang nabakunahan siya ng Dengvaxia.”

Ang mga pahayag ng mag-asawang Dela Cruz, at ang paghahanap ng katarungan para kay Dick John ang naghatid sa aming tanggapan. Sila ay aming pinatuloy hindi lamang sa PAO, kundi sa aming puso ̶ pusong patuloy na maalab na maglilingkod sa aming mga kliyente, mula sa pagtanggap ng kanilang mga kaso sa aming tanggapan. Mga dambuhala sa larangan ng industriya ng gamot ang kinakaharap ng aming mga kliyente, subalit hindi nito natinag ang kanilang katatagan para sila ay manindigan at lumaban para sa katarungan. Kaya naman ang katatagan nilang ito ang nagsisilbing inspirasyon ng aming tanggapan para ipagpatuloy ang aming tungkuling maihatid sa kanila ang hustisyang kanilang minimithi.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page