ni Jasmin Joy Evangelista | January 6, 2022
Isang 1-month-old na lalaki mula sa bayan ng Camiling at isang 1-year-old na lalaki rin mula sa Tarlac City ang kabilang sa 20 bagong kaso ng COVID-19 na naitala sa Tarlac.
Ayon sa datos mula sa Tarlac COVID-19 Task Force noong Enero 4, nakapagtala ng 13 bagong Covid cases ang Tarlac City. Ang ilan pang bayan na may bagong kaso ay Camiling (2), Moncada (2), Paniqui (1), Capas (1), at Victoria (1).
Mayroon namang 7 recovery sa lalawigan habang isa ang namatay noong Martes. Ang nasawi ay isang 83-anyos na lalaki mula sa bayan ng Concepcion.
Ang Tarlac City ang may pinakamaraming active cases (45), at sinundan ng Capas at Concepcion na may tig-8 na active case, habang ang Gerona at Paniqui ay mayroong tig-7.
Noong Lunes, isang 9-month-old na babae, 1-year-old na babae, at dalawa pang bata ang kabilang sa 26 na bagong kaso ng COVID-19 sa Tarlac.
Mula nang magsimula ang pandemya noong 2020, nakapagtala na ang Tarlac ng 19,106 cases kung saan 18,167 dito ang gumaling, habang 839 ang nasawi.
Comments