ni Lolet Abania | January 9, 2022
Natanggap na ng bansa ang isa pang 2.7 milyon doses ng bakuna na donasyon ng United States sa pamamagitan ng COVID-19 Vaccines Global Access (COVAX) Facility.
Nasa kabuuang 2,703,870 doses ng Pfizer-BioNTech vaccine ang dumating sa Manila pasado alas-2:00 ng hapon ngayong Linggo. Dahil dito, ang kabuuang bilang ng mga COVID-19 vaccines na nai-deliver sa Pilipinas ay 213,487,520.
Sa pinakabagong datos na available mula sa Department of Health (DOH), sa ngayon ang bansa ay nakapag-administer ng kabuuang110.089 milyon doses hanggang nitong Enero 4, 2022. Kabilang dito ang 57.254 milyon para sa first doses, 50.627 milyon para sa full vaccinations, at 2.207 milyon para sa booster doses.
Matatandaang inaprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang partisipasyon ng bansa sa nasabing facility noong Hulyo 2020.
Layon ng COVAX facility na makapag-deliver ng ligtas at epektibong vaccines sa lahat ng mga nakiisang mga bansa ng mga doses na available na base sa pangangailangan ng bansa, vulnerability, at panganib na dulot ng COVID-19.
Comments