ni Lolet Abania | November 19, 2021
Mahigit sa 2,000 booster doses laban sa COVID-19 ang naibigay sa mga fully-vaccinated healthcare workers, ayon sa Department of Health (DOH).
Sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nakapagtala ang ahensiya ng 2% adverse subalit mild reactions lamang ito mula sa 2,488 boosters na naiturok sa mga bakunadong healthcare workers hanggang nitong Nobyembre 17.
“These were all mild reactions such as pain in the vaccination site. Merong nagkaroon ng lagnat, merong sumakit ang ulo, meron namang iba na tumaas ang blood pressure,” ani Vergeire sa media briefing ngayong Biyernes.
“There were no serious adverse events [among those who had] their booster doses,” sabi ni Vergeire, na aniya pa nabigyan nila agad ng atensiyon, habang pinauwi na rin naman nila ang mga ito.
Panawagan naman ni Vergeire sa publiko na huwag munang tumanggap ng booster shots at maghintay na lamang ng mga ibibigay na guidelines upang maiwasan ang anumang masamang reaksyon.
Ayon sa opisyal, ang emergency use authorization (EUA) na inisyu ng Food and Drug Administration (FDA) ay para lamang sa mga healthcare workers, senior citizens, at immunocompromised na mga indibidwal.
Gayundin, giit ni Vergeire na ang mga pribadong kumpanya ay hindi pinapayagan na mag-administer ng mga booster shots o third doses sa kanilang mga empleyado maliban kung ang mga naturang empleyado ay mga senior citizens o immunocompromised na mga indibidwal.
Gayunman, hindi pa naglalabas ang DOH ng guidelines para sa pagbabakuna ng booster shots o third doses para sa dalawang priority groups.
“Now as to the companies which have ordered or procured additional doses, hindi po kayo pinapayagan para ibigay ‘yan as booster doses to your employees not unless they are part of the senior citizens or they are part of this list of immunocompromised states,” paliwanag ni Vergeire.
Sinabi naman ni Vergeire na ang mga bakuna na malapit nang mag-expire ay maaaring nilang ipahiram sa national government.
“You can undertake this loaning agreement from the national government, kung saan ang national government po ay pumapayag na kunin muna ang mga doses na nasa inyo,” sabi ng opisyal.
“Papalitan po namin ‘yan ng fresh stocks kapag kailangan niyo na po ng fresh stocks diyan sa inyong kumpanya,” saad pa ni Vergeire.
Comments