top of page
Search
BULGAR

2-3 days lang dapat maglinis ng mga tainga

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | January 22, 2021






Dear Doc. Shane,


After ko maligo ay naglilinis agad ako ng tainga. Araw-araw ko itong ginagawa at napansin ‘yun ng roommate ko. Sinabihan niya ako na mali raw ‘yun. Dapat dalawa hanggang tatlong beses lang dapat sa isang linggo dahil kapag masyadong madalas ay maaaring akong mabingi. Totoo ba ‘yun? – Hannah


Sagot:


Madalas natin ginagawa pagkatapos maligo ay maglinis ng mga tainga. Pero sa totoo lang, hindi dapat gawing araw-araw ang paglilinis ng loob ng mga tainga. Ang tutuli o earwax ay bahagi ng proteksiyon ng ating mga tainga. Ito ay isang uri ng secretion na nagsisilbing taga-sala ng pumapasok na alikabok o dumi sa ating tainga.


Kahit ang mga insektong aksidenteng nakapasok sa mga tainga ay hindi makatutuloy sa kaloob-looban ng tainga dahil sa mga tutuling ito.


Kung araw-araw ang gagawing paglilinis ng mga tainga, nawawalan ng pagkakataong makaipon ng tutuli sa loob ng mga tainga. Kaya maipapayong dalawa hanggang tatlong beses lamang sa loob ng isang linggo ang dapat gawing paglilinis ng mga tainga.


Ang mga bata ay karaniwang mas maraming tutuli. Ngunit habang nagkakaedad tayo, nababawasan na rin ang dami ng produksiyon ng tutuli.


Basa ang karaniwang tutuli natin. Karaniwa’y hindi ito nagdudulot ng problema. Pero may mga taong tuyo ang tutuli kaya may posibilidad na mamuo ito sa loob. Nagdudulot tuloy ito ng pami­mingi o kakaibang discomfort. Kapag hindi natatanggal ang namuong tutuli at naging matigas ito (impacted cerumen), kakailanganin pang palambutin muna ang tutuli ng ilang patak ng mineral oil o baby oil bago kaunin ito. O kaya’y kailangang pumunta pa sa ENT specialist upang ipabomba ito gamit ang bulb syringe. Ligtas naman ang ganitong procedure at hindi dapat ipag-alala.


Kung namuo na ang tutuli sa loob, hindi na makatutulong kung susundutin pa ito ng cotton buds, daliri, o kung ano pang maipapasok na bagay. Lalo lamang mapipipi ang tutuli patungo sa bamban (eardrum) ng cotton buds.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page