ni Lolet Abania | October 14, 2021
Umabot na sa mahigit 2 milyon na national ID cards ang naipamahagi ng gobyerno sa ngayon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
“Pagdating sa nakatanggap na ng ID, ang report ng PHLPost (Philippine Postal Corporation) as of September 30 ay meron ng 2.2 million Filipinos na nakatanggap na ng PhilID,” ani PSA Assistant Secretary Rosalinda Bautista sa Laging Handa briefing ngayong Huwebes.
Nasa 43.2 milyong Pilipino naman ang nakapag-register para sa national ID system (Step 1).
Ibig sabihin nito na ang isang indibidwal ay dumaan na o nag-register online via register.philsys.gov.ph at napunan ang online application form na naglalaman ng personal na impormasyon nito gaya ng full name, address, petsa ng kapanganakan at iba pa.
Ayon pa kay Bautista, para naman sa Step 2 o ang capturing ng biometric information, gayundin ang beripikasyon ng mga personal details ng mga indibidwal na unang ibinigay via online registration o Step 1, umabot na sa 34.99 milyong Pilipino ang nakumpleto na ang proseso at naghihintay na lamang na mai-release ang kanilang national ID cards.
Target ng gobyerno na makapag-enlist ng tinatayang 50 milyong Pilipino para sa national ID bago matapos ang taon, kung saan ayon sa National Economic and Development Authority, ito ay kinakailangan para epektibong ma-identify ang benepisyaryo sa social protection programs at mapalawak ang paggamit ng electronic payments na magpapaangat sa digital economy ng bansa.
Comments