ni Lolet Abania | June 1, 2021
Darating na ang karagdagang 2.2 milyong doses ng Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccine sa bansa sa Hunyo 11, ayon kay Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, Jr..
“At ngayon, June 11 ay ia-announce ko na po na ‘yung 2.2 million ay darating po dito ngayon sa ating bansa,” ani Galvez sa Palace briefing ngayong Martes.
“At ito po ay… diretso na po sa mga bayan natin sa Cebu, sa Davao, at saka dito sa Metro Manila,” dagdag niya.
Matatandaang sinabi ni Galvez na ang mga doses ay nakatakdang dumating bago matapos ang Mayo.
Sa ngayon, ayon kay Galvez, ang Pilipinas ay may matatag nang supply ng bakuna mula sa COVAX Facility, kung saan mahigit sa dalawang milyong doses kada buwan ang kanilang ibibigay.
“‘Yung vaccine supply natin will be stabilized on the month of July, lalo na ‘yung AstraZeneca, Moderna, Sinovac, at saka Sputnik,” sabi ng vaccine czar.
Kahapon, nabanggit ng Malacañang, tinatayang 3.4 milyong doses ng COVID-19 vaccines ang inaasahang i-deliver sa Pilipinas ngayong Hunyo.
Samantala, nitong Mayo 30, umabot na sa 1.2 milyong indibidwal ang fully vaccinated kontra-COVID-19.
Kommentarer