ni Lolet Abania | October 8, 2021
Dumating na ang mahigit sa 2.1 milyon doses ng Moderna vaccine at higit 660,000 doses ng AstraZeneca vaccine kontra-COVID-19 ngayong Biyernes nang umaga.
Lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 via China Airlines flight CI 701 ng alas-9:35 ng umaga, ang bagong supply ng COVID-19 vaccine.
Ayon sa National Task Force Against COVID-19 (NTF), ang kabuuang 1,384,280 Moderna doses ay mapupunta sa national government habang ang 747,860 doses ay sa pribadong sektor.
Ang kabuuang 661,100 AstraZeneca doses naman ay nakalaan din sa pribadong sektor.
Sinabi pa ng NTF, hanggang nitong Miyerkules nasa 22.6 milyong Pilipino o 29.37% ng target na populasyon ay fully vaccinated na. Sinalubong naman ang mga naturang COVID-19 vaccine nina NTF chief implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr., Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, Metro Manila Development Authority (MMDA) chairperson Benhur Abalos, at Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion.
Naroon din sina US Embassy Counselor for Economic Affairs David ‘Chip’ Gamble, A Dose of Hope project lead adviser Josephine Romero, AstraZeneca Philippines president Lotis Ramin, at Zuellig Pharma Corp. chief business officer Janette Jakosalem.
Tiwala naman si Galvez na kayang makamit ng Pilipinas na makapagbakuna ng 50% hanggang 70% ng target na populasyon bago matapos ang 2021.
留言