ni Anthony E. Servinio @Sports | Oct. 8, 2024
Binigo ng Phoenix Suns ang Los Angeles Lakers, 118-114, sa pagpapatuloy ng NBA Preseason sa Acrisure Arena sa Palm Desert, California kahapon. Maliban sa resulta, sumabay sa unang pagkakataon sa harcourt ang mag-amang LeBron James at Bronny James.
Kasama si LBJ sa first five at sinamahan siya ng kanyang panganay sa pagsimula ng pangalawang quarter. Naglaro ng 16 minuto lang ang amang si James at gumawa ng 19 sa unang half at umupo sa buong pangalawang half kumpara sa anak na naglaro ng 13 minuto, 7 sa huling quarter, at walang ambag na puntos.
Namuno sa panalo ng Suns si Josh Okogie na may 10 ng kanyang 15 sa huling quarter. May tig-12 sina Devin Booker, Oso Ighodaro at Collin Gillespie. Kumpara sa kanilang unang pagkikita noong Sabado na dikitan, tinambakan ng World Champion Boston Celtics ang Denver Nuggets, 130-104, sa Etihad Arena ng Abu Dhabi, United Arab Emirates. Lamang lang ng anim ang Celtics sa halftime, 66-60 at lumayo noong pangatlong quarter, 109-75.
Hindi kinailangan ang mga bituin sa huling quarter subalit nanguna pa rin sina Jaylen Brown na may 21 at Jayson Tatum na may 17. Nagtala ng 20 para sa Denver si Nikola Jokic. Napigil ng bisitang New York Knicks ang huling banta ng Charlotte Hornets, 111-109. Bumida sa Knicks sina Miles McBride mula sa apat na tres.
Sa iba pang mga laro, tinambakan ng Toronto Raptors ang Washington Wizards, 125-98, sa Bell Centre ng Montreal, Quebec. Binigo ng Detroit Pistons ang bisita Milwaukee Bucks, 120-87, sabay ng pagliban ni Giannis Antetokounmpo.
Comments