ni Lolet Abania | October 30, 2021
Natanggap na ng bansa ang kabuuang 1,065,600 doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccine na donasyon ng Japan ngayong Sabado.
Ayon sa mga awtoridad, dumating ang mga bagong batch ng COVID-19 vaccine doses sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, pasado alas-12:00 ng tanghali ngayong araw.
Sinalubong naman ang mga doses ng AstraZeneca vaccine nina National Task Force Against COVID-19 special adviser Dr. Teodoro Herbosa, Japan Embassy Economic minister Masahiro Nakata, at mga opisyal mula sa foreign at health departments.
Ayon kay Herbosa, ang mga bagong batch ng COVID-19 vaccines ay ipapamahagi sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
“The vaccination program really worked, those who were still hesitant magparehistro na kayo sa local government units (LGUs) niyo at hindi issue ang kulang sa bakuna. Marami na pong bakuna [for] all 18 years old and up pwede nang bakunahan,” ani Herbosa.
Gayundin, tinatayang nasa 896,000 doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccine na dinonate ng Japanese government ang dumating sa bansa nitong Huwebes ng hapon.
Sa isang statement naman nitong Biyernes, sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na inaasahan na rin ng Pilipinas na makakatanggap ng tinatayang 50 hanggang 60 milyong COVID-19 vaccine doses nitong natitirang dalawang buwan ng taon.
Comments