ni Lolet Abania | June 28, 2022
Patay ang 19-anyos na lalaki matapos ang naganap na sunog sa isang residential area sa Davao City nitong Lunes. Kinilala ang nasawing biktima na si Arhaman Usman, batay sa ulat ng GMA Regional News ngayong Martes.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), natagpuan ang katawan ng biktima sa ginawang inspeksyon ng mga bumbero matapos na maapula na ang apoy sa lugar.
Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na nakalabas na si Usman sa kanilang bahay subalit bumalik ito para iligtas ang isang kapatid.
Gayunman, na-trap si Usman mula sa nasusunog nilang bahay. Tumagal ng limang oras ang sunog bago tuluyang naapula ang apoy. Ayon pa sa BFP, mahigit sa 300 residente ang nawalan ng tirahan dahil sunog.
Habang nanunuluyan sa ngayon ang mga ito sa gymnasium ng barangay. Gayundin, tinatayang nasa 1,000 kabahayan ang apektado ng sunog.
Tinitingnan naman ng mga awtoridad ang isa sa posibleng dahilan ng sunog ay isang nakasinding mosquito coil na kanilang napabayaan.
Comments