ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 12, 2021
Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang 185 volcanic earthquakes sa Bulkang Taal sa nakalipas na 24 oras simula alas-5 nang umaga kahapon hanggang alas-5 AM ngayong araw.
Ayon sa PHIVOLCS, patuloy pa rin ang Bulkang Taal sa pagbuga ng volcanic sulfur dioxide at steam-rich plumes na may taas na aabot sa 1,500 meters.
Babala rin ng PHIVOLCS ngayong nananatiling nakataas sa Alert Level 3 ang Bulkang Taal, “Sa kalagayang ito, ang magma na nanunuot sa main crater ay maaaring magdulot ng malakas na pagsabog.
“Pinaaalalahanan ng DOST-PHIVOLCS ang madla na ang Taal Volcano Island o TVI ay isang permanent danger zone (PDZ) at pagpasok sa TVI at high-risk barangays ng Agoncillo at Laurel ay dapat na maigting na ipagbabawal dahil sa panganib ng pyroclastic density currents at volcanic tsunami kung sakaling magkaroon ng malakas na pagputok.”
Ipinagbabawal din ng PHIVOLCS ang pamamalagi at paglaot sa lawa ng Taal dahil sa posibleng ashfall at vog at ang paglipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan.
Saad pa ng PHIVOLCS, “Maging laging handa sa posibleng evacuation kung sakaling ang aktibidad ng Taal ay lumala.”
Comments