top of page
Search
BULGAR

180 health workers sa Tala, babakunahan ng Sinovac


ni Mary Gutierrez Almirañez | March 1, 2021




Unang dinala ang 600 doses ng Sinovac COVID-19 vaccines sa Tala Hospital sa Caloocan City kaninang 12:40 nang madaling-araw, Marso 1. Eksaktong 1:08 AM nang tanggapin ng ospital ang bakuna at bawat vial nito ay katumbas ng .5 millimeter na kaagad idiniretso sa cold storage facility na nasa bandang Pharmacy section ng ospital kung saan nandu'n ang freezer na may 2 hanggang 8 degree celsius na temperatura.


Noong nakaraang linggo pa nasimulan ang pre-registration at ngayong 10:30 AM nakatakdang simulan ang pagbabakuna.


Magsisimula ang proseso sa Waiting Area na makikita sa labas ng ospital. Dito sila uupo habang hinihintay tawagin ang pangalan papunta sa Registration Area. Pagkarating sa Registration Area, dito ibe-verify ang kanilang pangalan.


Pagka-verify ay didiretso sa Vital Signs Area upang ma-check kung nakakaranas ng high blood, allergy o mga sintomas ng COVID-19.


Hindi babakunahan ang taong mayroon ng mga ito. Kapag nakapasa sa Vital Signs Area, didiretso sa Screening Area kung nasaan ang doktor para i-double check ang mga naunang proseso at katanungan bago bakunahan.


Kapag nakapasa sa ika-apat na steps ay didiretso na sila sa actual procedure ng pagbabakuna. Matatagpuan sa second floor ang Holding Area kung saan hihintayin matawag ang pangalan para mabakunahan.


Sisiguraduhing naipapatupad ang social distancing at iba pang health protocols upang makatiyak na hindi magdidikit-dikit ang binakunahan at mga naghihintay mabakunahan. Pagdating sa Vaccination Area ay dito na isasagawa ang pagbabakuna.


Matapos mabakunahan, didiretso sa Monitoring Area kung saan kailangang manatili nang 15 minuto para obserbahan at masiguro na walang magiging adverse reaction sa bakuna.


Sakaling magkaroon ng reaction sa Sinovac ay kaagad ididiretso sa Treatment Area ang indibidwal na nakaranas ng side effect.


Ngunit kapag sobrang tindi ng naging reaction ay kaagad itong isusugod sa Emergency Room upang doon gamutin at bigyang lunas.


Kung wala namang nararanasang side effect ay puwede nang umuwi.


Ayon sa survey, 180 healthcare workers ng Tala Hospital lamang ang pumapayag na mabakunahan ng Sinovac sa mahigit 1,165 na sumagot. Ganunpaman ay hindi ito ikinakabahala ng mga executives ng ospital.


Anila, "Wala itong puwersahan. Kung ayaw nila ng Sinovac na ito, ang kanilang option is to wait for the arrival, kung ano mang vaccine 'yun."

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page