top of page
Search
BULGAR

18 milyong Pinoy biktima ng ‘silent epidemic’

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 13, 2022


Tinatayang nasa 18 milyong Pinoy ang kasalukuyang nagdurusa o kung hindi man ay lantad na magkaroon ng fatty liver disease, isang karamdaman na kinukonsiderang ‘silent pandemic’.


Ang nakaaalarmang impormasyong ito ay nabunyag matapos na ipresenta kamakailan sa online press conference na tinawag na "Fatty Liver Facts: What You Need to Know About This Silent Epidemic,” na inorganisa ng Hepatology Society of the Philippines (HSP).


Ang ‘silent epidemic’ ay tinatawag na fatty liver disease na labis na nakakaapekto ng milyun-milyong katao hindi lang sa Pilipinas kung hindi sa buong mundo at maraming tao ang positibo na sa naturang karamdaman, ngunit hindi pa nila alam.


Ibang-iba kasi ang naturang sakit dahil sa wala ito kahit anong sintomas, lalo na sa mga unang sandali na ang isang tao ay kumpirmadong may fatty liver disease na at mas madalas ay huli na ang lahat bago pa man ito mabigyan ng lunas.


Ayon sa Philippine Society of Gastroenterology, ang fatty liver disease ay lubhang napakadelikado at kulang na kulang ang isinasagawang kamalayan hinggil dito kaya mas makabubuting ang publiko ay magsimula ng makinig o magtanong ng impormasyon hinggil dito.


Marami namang available na detalye sa social media at tiyakin lamang na mga eksperto hinggil sa sakit na ito ang pagkukunan ng mga impormasyon upang sa mas maagang panahon ay lumawak ang kaalaman at makapag-ingat sa naturang karamdaman.


Mayroong dalawang klase ng non-alcoholic fatty liver disease (NAFLD)—ito ang non-alcoholic fatty liver (NAFL) at ang mas advanced type ay ang non-alcoholic steatohepatitis (NASH).


Bagama’t magkaiba ang katawagan sa dalawang klase ng sakit ay pareho itong nag-imbak ng labis na taba sa liver cells na karaniwang naiipon ang taba depende sa kinakain ng isang tao o istilo ng kanyang pamumuhay.


Ang pagkakaroon ng bahagyang dami ng taba sa atay ay normal lamang ngunit kung ito ay aabot na sa lima hanggang sampung porsyento ang bigat na dumagdag sa atay dahil sa dami ng taba ay malaking problema na ito sa ating kalusugan.


Pinatotohanan mismo ng HSP na ang fatty liver ang pinakamabilis na pinagmumulan ng liver cancer at cirrhosis na mapakalaking problemang kinahaharap sa buong mundo at karaniwang nadidiskubre na walang ng magawa dahil nasa malala ng sitwasyon.


Karaniwang nagkakaroon o mas malapit sa posibilidad na magkaroon ng fatty liver ay ang mga taong overweight, diabetic o hypertensive na karaniwang problema rin sa bansa dahil sa taglay na lahi o hindi maayos na istilo ng pamumuhay.


Ang Pilipinas sa kasalukuyan ay mayroong 18 milyong obese at overweight ngunit ayon sa Philippine College of Physicians (PCP) marami na sa kanila ang mayroon ng fatty liver, ngunit hindi nila alam o talagang ayaw pang alamin.


Ayon pa sa PCP, dapat maging malinaw sa lahat ang kahalagahan ng malusog na atay ng bawat isa dahil sa ang atay umano ay isang multitasking hard worker kaya mahalagang mapanatili itong malusog upang makapamuhay ng maayos at masigla.


Upang makaiwas umano na magkaroon ng fatty liver disease, binigyang-diin ng HSP na kailangang palawakin at itaas pa ang kamalayan hinggil dito upang maiwasan ang sakit na nagiging sanhi ng kamatayan sa maraming tao.


Kailangan din umanong itaas ang kaalaman ng publiko hinggil sa nonalcoholic fatty liver disease, na karaniwan ay nagagamot naman o kaya ay humahantong sa mabuting pag-iingat kung maaga natutukoy ang disorder na ito.


Narito ang mga klase ng pagkain na pinakadapat iwasan upang hindi tayo mauwi sa nakakatakot na fatty liver — juice, soda at matatamis na beverages, butter, cakes, pastries, pies, ice cream, bacon, sausage, cured meats, maaalat na pagkain, mga prinito at higit sa lahat alcohol.


Ibig sabihin kung ang mga nabanggit na pagkain ay hindi maiiwasan ay dapat na konsumihin ito ng tamang-tama lang, ngunit kung kinakahiligan pa ito at labis na nilalantakan ay parang sinasadya na nating mawasak talaga ang ating atay.


Mabuti ang hakbanging ito ng HSP, ang lead organization na siyang nagsasagawa ng mga pag-aaral at pagkandili sa atay na karaniwang isinasaisantabi ng ating mga kababayan dahil sa kakulangan ng kaalaman.


Sana ay ipagpatuloy pa ng HSP ang isinasagawa nilang research, education at adbokasiya sa kahalagahan ng malusog na atay dahil bahagi ng kanilang misyon ay ipamahagi ang impormasyon at kaalaman kung paano makapamumuhay ang tao na may malusog na atay.


Kaya sa mga kababayan nating walang pakundangan at walang habas kung uminom ng alak, magdamagan hanggang kinabukasan pa kasabay ng matatabang pulutan at sigarilyo—good luck sa inyong atay!


Kung ang ibang parte ng ating katawan ay nagagawa ng palitan dahil sa husay ng siyensya, tandaan natin na iisa lang ang ating atay na kapag bumigay ay nakamamatay.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

תגובות


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page