ni Mary Gutierrez Almirañez | February 21, 2021
Labingwalo ang nadagdag sa UK variant ng COVID-19 ngayong araw, Pebrero 21. Ito ang kinumpirma ng Department of Health (DOH), University of the Philippines-Philippine Genome Center (UP-PGC), at ng UP-National Institutes of Health (UP-NIH).
Tinatayang umabot na sa 62 ang kabuuang bilang ng bagong variant mula sa pang-pitong batch ng 757 samples na inilabas noong ika-18 ng Pebrero.
Labingtatlo sa mga naitala ay balikbayan sa pagitan ng Enero 3 hanggang 27, at ngayon ay magaling na.
Samantala, tatlo sa mga nadagdag ay galing sa Cordillera Administrative Region. Ang dalawa ay parehong 12-anyos na lalaking konektado sa original cluster mula Samoki, Bontoc, Mountain Province.
Ang pangatlo ay 41-anyos na babae na siya namang konektado sa unang cluster ng La Trinidad.
Ang tatlo sa mga nabanggit ay kapwa magagaling na rin.
Sa ngayon ay kasalukuyan nang sumasailalim sa quarantine ang mga close contacts ng 18 nagpositibo sa UK variant ng COVID-19.
Comments