ni Ronalyn Seminiano Reonico | December 18, 2020
Bawal nang pumunta sa mga pampublikong lugar ang mga menor-de-edad sa Quezon City “whether alone or accompanied by parent or guardian and without any justification” dahil sa patuloy na banta ng COVID-19 pandemic, ayon sa Quezon City local government.
Inaprubahan na ni QC Mayor Joy Belmonte ang Ordinance No. SP-2985, S-2020, o ang “Quezon City Special Protection of Children against COVID-19” na naglalayong mapanatili sa kani-kanyang bahay ang mga 18-anyos pababa “during the so-called ‘Children Protection Hours’ or 24 hours a day and seven days a week.”
Pahayag ni Belmonte, “Ang Ordinansang ito ay batay sa rekomendasyon ng mga dalubhasa sa Philippine Pediatric Society na kailangang manatili ang mga menor-de-edad sa mga tahanan dahil malaki ang tsansa na sila’y mahawa.
“Ang kautusang ito ay para na rin sa kapakanan ng ating mga kabataan upang hindi na malagay sa panganib ang kanilang buhay.”
Samantala, mayroong “exemptions” na nakapaloob sa naturang ordinansa katulad ng: engagement ng menor-de-edad sa isang authorized employment activity na nangangailangan ng physical presence “provided that they are accompanied by parent or guardian”; ang mga nangangailangan ng atensiyong medikal o ang mga mayroong medical/dental appointments; at ang mga walang kasamang nasa legal age na nangangailangang bumili ng essential goods.
Pagmumultahin din ang mga magulang o guardian ng mga menor-de-edad na lalabag sa naturang ordinansa ng halagang P300, P500 o P1,000 para sa una, ikalawa at ikatlo at “subsequent offenses.”
Dadalhin naman ang mga menor-de-edad na lalabag sa naturang ordinansa sa Barangay Council for the protection of Children (BCPC) sa barangay kung saan sila mahuhuli at ire-require na sumailalim sa counseling bago sila ibalik sa kani-kanyang magulang o guardian.
Sa mga lalabag naman sa ikatlo at “subsequent offenses”, bukod sa counseling ay isasailalim din ang mga menor-de-edad sa intervention program ng Social Services and Development Department (SSDD).
Pagmumultahin din ang mga may-ari, “proprietors” at managers ng mga mall, shopping centers, commercial establishments, atbp. pampublikong lugar katulad ng mga sinehan na lalabag sa naturang ordinansa ng halagang P500 para sa first offense. Sa second offense naman ay pagmumultahin sila ng P1,000 at makakatanggap din sila ng “warning for the revocation of business permit/license and closure of establishment.” At sa third at subsequent offense, pagmumultahin sila ng P3,000 “for each violation and revocation of business permit/license and closure of establishment will be meted.”
Yorumlar