ni Lolet Abania | July 4, 2021
Nasa 17 katao ang nasawi habang 40 iba pa ang nasugatan matapos bumagsak ang C-130 aircraft ng Philippine Air Force (PAF) sa Sulu bago magtanghali ngayong Linggo. Sa isang pahayag ni Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana, ang mga nasawi ay kabilang sa 92 personnel na lulan ng naturang eroplano.
Sa 92 pasahero, 3 ang piloto at 5 ay mga crewmen. “The rest were Army personnel reporting for duty,” ani Lorenzana. Nagmula ang eroplano sa Lumbia Airport sa Cagayan de Oro City na nakatakda sanang lumapag sa Jolo port sa Sulu nang maganap ang insidente bandang alas-11:30 ng umaga.
Ayon sa PAF, patuloy na nagsasagawa ng rescue operations sa lugar. Kinumpirma naman ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief General Cirilito Sobejana na nasa 40 personnel ang nasagip bago tuluyang nagliyab ang military cargo plane.
“Responders are at the site now. We are praying we can save more lives,” ani Sobejana sa isang phone interview. “So far, meron na tayong 40 na na-rescue at kasalukuyang ginagamot sa 11th ID Hospital sa Busbus, Sulu,” ani pa Sobejana.
Karamihan sa mga pasahero ng eroplano ay military personnel na itatalaga sa 11th Infantry Batallion’s Joint Task Force Sulu ng Philippine Army matapos na maka-graduate kamakailan mula sa kanilang basic military course.
“One of our C-130s while transporting our troops from Cagayan de Oro, na-miss niya ‘yung runway trying to regain power, at hindi nakayanan. Bumagsak doon sa may Barangay Bangkal, Patikul, Sulu,” sabi ni Sobejana sa mga reporters.
“We are doing our best effort to rescue the passengers… ‘Yung ating ground commander, nandu’n na. Si General Gonzales, doing his best effort na maapula ‘yung apoy at ma-rescue safely ‘yung mga passengers,” saad ng opisyal.
Matatandaang noong Enero ngayong taon, pito katao ang namatay matapos na isang PAF UH-1H helicopter ang bumagsak malapit sa Barangay Bulonay sa Bukidnon.
Comments