ni MC - @Sports | September 17, 2022
![](https://static.wixstatic.com/media/bd1fd9_4f48ecef6d074848a232532c22b7dbdc~mv2.jpg/v1/fill/w_980,h_654,al_c,q_85,usm_0.66_1.00_0.01,enc_auto/bd1fd9_4f48ecef6d074848a232532c22b7dbdc~mv2.jpg)
Sasabak sa bakbakan ang 16 na Pinoy fighters para itaya ang $100,000 fight contract at ipamalas ang kanilang kaastigan sa darating na MMA reality show "ONE Warrior Series Philippines."
Itatampok na bida ang mga kinikilala at sikat sa MMA outfit na Team Lakay sa naturang serye. Gagabay si Team Lakay head coach Mark Sangiao sa bakbakan ng dalawang teams na pamumunuan nina ONE strawweight champion Joshua Pacio at dating flyweight king Geje Eustaquio.
“Through this show, we hope to inspire more martial artists… para magkakaroon pa ng maraming athletes, ma-influence sila na mapunta sila not only to martial arts but sports in general,” ayon kay coach Sangiao.
Bubuuin naman ang Team Passion ni Pacio nina Raymund Ortega, Ariel Lampacan, Ernesto Montilla, Norman Agcopra, Ariel Oliveros, L.A. Lauron, JM Guntayon, at Marvin Malunes.
Bibida naman sa Team Gravity ni Eustaquio nina Genil Francisco, Adonis Sevilleno, Joevincent So, Ralf Francisco, Ely Fernandez, Sheraz Qurashi, Mcleary Ornido, at Christian Laurio.
Sinuman ang magwawagi sa naturang serye ay itatampok sa ONE 164: Pacio vs Brooks sa Mall of Asia Arena sa Disyembre. “Ang titignan namin dito ‘yung discipline at willingness matuto,” saad ni Pacio. “Sa Team Lakay talaga, we prioritize the attitude; ‘yung skills, physical attribute come second,” pagbabahagi naman ni Eustaquio.
Para sa Team Lakay fighters, magsisilbi sa kanilang aral na karanasan ang serye. “Hindi pala madaling maging coach. Nakita ko tuloy ang errors ko as an athlete at ‘yung kailangan kong maimprove,” saad ni Pacio.
Lalarga ang serye sa 12 episodes na sisimulan sa Linggo, Set. 18 sa GTV at sa ONE Super App at may replays din sa Tap Sports at kaagapay ang Globe sa "One Warrior Series Philippines."
Comments