ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | February 04, 2022
May mga taong may karamdaman na dapat ay ang pagpapagaling at pagpapabuti ng pakiramdam ang pangunahing intindihin at hindi ang iba pang mga bagay. Subalit nakalulungkot isipin na mayroong mga maysakit na lalo pang bumibigat ang kalagayan dahil sa mga negatibong komento na naririnig tungkol sa kanila. Ganito ang nangyari kay Friendly Ganzore Mendoza.
Ayon sa kanyang ina na si Aling Liberty Garcia Ganzore ng Mandaluyong City,
“Agosto 2018 nang sabihin ng aking anak na patak-patak lang ang kanyang regla at isang araw sa isang buwan lang siya dinadatnan. Nagpatuloy ito sa mga sumunod na buwan. Unti-unti ring lumalaki ang kanyang tiyan at dahil du’n, napagkamalan siyang buntis. Kaya naman pina-ultrasound ko siya upang malaman kung bakit lumalaki ang tiyan niya at base sa resulta, wala namang nakitang problema sa kanyang tiyan at hindi naman siya buntis.”
Bagama’t natapos ang pahirap ng matatalas na dila, hindi pa rin siya nakaligtas sa kamatayan. Si Friendly, 16, ay namatay noong Oktubre 31, 2018. Siya ang ika-99 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ay isang beses naturukan ng Dengvaxia sa isang health center sa Mandaluyong City noong Nobyembre 27, 2017.
Ayon kay Aling Liberty, si Friendly, kailanman ay hindi nagkaroon ng malubhang karamdaman at hindi pa naospital, maliban na lamang nang nagkaroon siya ng malubhang sakit na naging sanhi ng kanyang kamatayan pagkatapos siyang maturukan ng bakuna kontra dengue.
Nagsimulang magkaroon ng pagbabago sa kanyang katawan at kalusugan noong Enero 2018.
Nagpasundo si Friendly sa kanyang nanay sa kanilang eskuwelahan dahil sa sakit ng ulo at umiiyak na siya dahil dito. Pinagawan siya ni Aling Liberty ng salamin sa mata sa pag-aakala nitong maaaring konektado sa mga mata ang pananakit ng ulo niya, subalit naging pabalik-balik ang pananakit ng kanyang ulo at lagnat. Noong Agosto 2018, naganap kay Friendly ang mga pangyayaring naikuwento ni Aling Liberty sa itaas ng artikulong ito.
Pagdating ng Oktubre 2018, nadagdagan pa ang mga nararamdaman ni Friendly, lumubha ang kanyang kalagayan at siya ay binawian ng buhay. Narito ang kaugnay na mga pangyayari:
Oktubre 13 - Sumakit ang tiyan ni Friendly. Hindi rin normal ang pagdumi niya. Bumuti ang kalagayan niya sa mga sumunod na araw.
Oktubre 28 - Nakaranas siya ng labis na pananakit ng tiyan. Pinatulog siya ni Aling Liberty at nawala naman ito.
Oktubre 30 - Hirap sa paghinga si Friendly, kaya isinugod siya sa isang ospital sa San Juan City, sinabi ng doktor na may diabetes siya. Ayon sa doktor, kritikal ang kalagayan ni Friendly at kailangan siyang ilipat sa ICU. Dahil walang ICU ang nasabing ospital, inilipat siya sa isang ospital sa Mandaluyong City. Pagkalipat ng ospital, hindi na makagalaw si Friendly at mga mata na lang niya ang kanyang naigagalaw. Pagsapit ng gabi, in-intubate siya dahil sa hirap sa paghinga. Patuloy din ang paglabas ng likido sa kanyang bibig at ilong at siya ay namumutla.
Oktubre 31 - Mataas ang lagnat ni Friendly. Pagsapit ng alas-7:45 ng gabi, umabot sa 40 centigrade ang kanyang lagnat. Siya ay nag-seizure, at alas-7:50 ng gabi, tuluyang pumanaw si Friendly. Ayon sa kanyang Certificate of Death, ang sanhi ng kanyang pagpanaw ay “Diabetic Ketoacidosis”.
Ani Aling Liberty, “Napakasakit para sa amin ng biglang pagpanaw ng aking anak. Isa siyang masigla at malusog na bata, mahilig siyang sumayaw at nagtuturo siya ng sayaw sa aming lugar. Nagtuturo rin siya ng aerobics, kaya nakapagtataka na matapos siyang maturukan ng Dengvaxia ay biglang nagbago ang estado ng kanyang kalusugan. Ito ay sa kabila ng sinasabi nilang ang bakuna na itinurok sa aking anak ay makapagbibigay-proteksiyon sa kanya.
“Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia. Hindi ako pinapirma ng kahit anong dokumento hinggil sa pagbibigay-pahintulot ko sa pagtuturok nila ng bakuna kontra dengue sa aking anak, kaya walang pagpapaliwanag sa maaaring maging epekto nito sa kalusugan niya. Kung sinabi rin sana sa akin na bawal maturukan ng Dengvaxia ang hindi pa nagkaka-dengue ay hindi ko siya pinabakunahan dahil hindi siya nagkaroon ng dengue infection bago mabakunahan. Hindi rin doktor ang nagturok ng nasabing bakuna sa kanya.”
Kung pagbabasehan ang pangalan ni Friendly, masasabing ninais ng pamilya niya na maging palakaibigan siya. Hindi naman sila nabigo sapagkat yumabong sa ganu’ng katangian si Friendly. Napakasakit lamang isipin na siya na isang mabuting kaibigan ay hindi nagkaroon ng mapagmalasakit na kaibigan sa katauhan ng mga awtoridad na nasa likod at nagsagawa ng pagtuturok ng nasabing bakuna. Sa paglapit sa PAO at PAO Forensic Team ng pamilya ni Friendly, mga kaibigan kaming patuloy na tumutugon sa kanilang mga hiling na sakop ng aming mandato. Sa pagpapatuloy din ng aming laban para kay Friendly, nawa’y makatagpo namin ang isa pang kaibigan — Lady Justice ang pangalan.
Comments