top of page
Search
BULGAR

16-anyos, nagwala at nagkabutas sa baga bago namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | November 11, 2022


Matinding sakit sa kalooban ang nararamdaman ng mga magulang na may mga anak na sa kabila ng pagkakaroon ng karamdaman ng huli ay nagagawa pang paghinalaan ng masama ng kapwa. Ganito ang naranasan nina G. Dennis Montales at Gng. Arnie Macapagal ng Pampanga, mga magulang ng yumaong Dengvaxia vaccinee na si Erica Montales.


Ayon kina G. Dennis at Gng. Arnie, “Sinabi namin na naturukan ng Dengvaxia ang aming anak, subalit sinabi lang ng doktor na walang kaugnayan ‘yun sa kanyang kondisyon. Sinabihan pa kami na baka nagdodroga ang aming anak at ipa-drug test siya, at dapat dalhin siya sa mental hospital. Kami ay labis na nagulat sa sinabi ng doktor dahil hindi naman nagdodroga ang aming anak. Normal siyang bata at maayos namin siyang nakakausap.”


Si Erica, 16, namatay noong Abril 24, 2019 at ang ika-133 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Ang sanhi diumano ng kanyang pagkamatay ay Multiorgan Dysfunction Syndrome (Renal, Hepatic, Disseminated Intravascular Coagulopathy (Immediate Cause), Nephrotic Syndrome (Antecedent Cause) at Idiopathic (Underlying cause).


Si Erica ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan. Una, noong Abril 8, 2016; pangalawa, noong Oktubre 10, 2016; at pangatlo, noong Hunyo 19, 2017. Ikatlong linggo ng Marso 2019 nang magkalagnat si Erica. Masakit din ang kanyang tiyan at ulo; nagtatae rin siya. Dahil dito, dinala siya sa isang ospital sa Pampanga at sinuri ang dumi at dugo niya, subalit hindi nalaman ng kanyang mga magulang ang resulta. Matapos resetahan ng antibiotics, agad na pinauwi si Erica. Bumuti naman ang kanyang pakiramdam matapos uminom ng nasabing reseta. Gayunman, siya ay muling nagkasakit at lumubha ang kanyang kalagayan hanggang siya ay bawain ng buhay.


Narito ang ilan sa mga detalye:

  • Abril 19 at 20, 2019 - Muli siyang nilagnat. Masakit ang kanyang ulo at tiyan, at nagsusuka siya ng malapot na kulay berde. Muli siyang dinala sa ospital noong Abril 20 (tanghali). Mababa ang kanyang blood pressure. Kinagabihan, ni-refer siya sa ibang ospital dahil hindi maganda ang kalagayan niya. Nanatiling mababa ang kanyang presyon ng dugo at nawawala ang kanyang pulso. Sa nilipatang ospital, nangyari ang nabanggit sa unahan ng artikulong ito na diumano ay sinabihang baka nagdo-droga si Erica. Nagwawala rin siya, kaya tinurukan ng pampakalma, subalit nanginig siya.

  • Abril 21, 2019 - Under observation si Erica, itinali siya dahil nagwawala pa rin. Pagsapit ng alas-5:00 ng madaling-araw, sinabihan ang kanyang mga magulang na kailangang ilipat siya sa intensive care unit (ICU), subalit hindi siya nakalipat. Inaapoy siya ng lagnat at alas-7:00 ng umaga, nagsisigaw at nagwawala siya. Labis ang sakit ng kanyang ulo. Wala ring bisa ang pain reliever na ibinibigay sa kanya. Hindi pa rin normal ang kanyang blood pressure. Siya ay humihingi rin ng yelo at malamig na tubig dahil mainit ang kanyang pakiramdam.

  • Abril 22, 2019 - Hindi na siya nakakatulog at mataas pa rin ang kanyang lagnat. Umuurong ang kanyang dila at ito ay kanyang hinihila. Biyak-biyak ang mga labi niya at sigaw pa rin siya nang sigaw dahil sa sakit ng kanyang ulo. Palagi rin siyang humihingi ng tubig. Itinatanong niya kung anong nangyayari sa kanya dahil wala siyang lakas, gustuhin man niyang magsalita at gumalaw nang normal.

  • Abril 23, 2019 - Lalo siyang humina. Mas tumaas ang kanyang lagnat, masakit ang kanyang ulo at hindi na niya maigalaw ang kanyang katawan. Sabi ng doktor, kailangang i-bone marrow test siya para malaman ang kanyang sakit, pero hindi naman ginawa ng doktor. Lantang gulay na siya at hindi na siya maayos na makapagsalita. Tumitirik na ang kanyang mga mata. Hindi pa rin sinasabi ng doktor sa kanyang mga magulang kung ano ang sakit niya. Pagsapit ng alas-6:00 ng gabi, hindi na siya makahinga. Siya ay in-intubate at dinala sa ICU. Sabi ng mga doktor, kumalat na ang impeksyon sa katawan niya; umakyat sa kanyang ulo. Dagdag pa nila, may nakitang butas sa baga niya, base sa resulta ng x-ray na isinagawa nang araw ‘yun.

  • Abril 24, 2019 - Nag-agaw-buhay siya at tuluyan nang pumanaw nang alas-11:30 ng umaga.


Salaysay nina G. Dennis at Gng Arnie, “Napakasakit para sa amin ng pagpanaw ni Erica. Siya ay malakas, aktibo, malusog at masiglang bata. Mahilig siyang maglaro ng volleyball at sumayaw. Kailanman ay hindi pa siya nagkasakit na kinailangang maospital, maliban na lamang nitong kamakailan kung saan siya ay nagkasakit nang malubha at isinugod namin sa ospital.”


Ibinahagi rin nila na, “Gusto ng mga doktor na i-autopsy ang aming anak sa nasabing ospital. Hindi kami pumayag sa takot na pagtakpan nila ang tunay na rason ng pagkamatay ni Erica.


“Hindi nila pinansin ang sinabi naming naturukan ng Dengvaxia ang aming anak, at noong namatay siya, nakita naming nataranta ang doktor nang muli naming sabihin sa kanila na naturukan siya ng Dengvaxia. Habang nakaburol si Erica, pinuntahan kami sa bahay ng mga taga-DOH at iminungkahi ang pagbibigay sa amin ng halagang P50,000. Sinabihan pa kami na huwag nang ipa-autopsy ang aming anak. Hindi namin tinanggap ang nasabing halaga dahil pursigido kaming magpa-autopsy sa PAO upang malaman namin ang tunay na sakit at sanhi ng kanyang pagkamatay.”


Nakakalungkot na sa katulad nilang namatayan ay inaalok pa ng napakaliit na halaga para hindi na ipursige pang malaman ang sanhi ng kamatayan ng kanilang minamahal na anak. Nakakahanga ang kanilang paninindigan na makuha ang hustisya para sa kamatayan ni Erica sa kabila na alam nilang malalaking tao ang kanilang makakasagupa. Ang kanilang paninindigan na sa PAO humingi ng libreng forensic services at serbisyong legal ay aming tinugunan, at patuloy na ipinagkakaloob ang huli sa mga pagdinig sa korte.


Ang katulad na paninindigan ng mga pamilyang patuloy na inilalaban ang mga biktimang mahal nila sa buhay ang patuloy din naming inspirasyon sa pagpupunyagi sa mga kasong may kaugnayan sa nasabing bakuna.

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page