ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | October 7, 2022
Sa edad na 16, si Froilan Amistoso ng Cebu City ay larawan ng isang kabataan na malusog, mapagmahal, masigla, masipag at maparaan sa buhay. Sa naturang edad, siya ay naging aktibo sa paglalaro ng basketball at sa pamamasada ng tricycle sa umaga upang makatulong sa mga gastusin niya sa pag-aaral. Ngunit sa gulang niya ring ito, natapos ang maikli niyang kuwento sa mundo.
Si Froilan ay namatay noong Enero 12, 2018. Siya ay ang ika-128 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Froilan ay isang beses naturukan ng Dengvaxia noong Agosto 2017 sa kanilang paaralan sa Lapu-Lapu City. Ayon sa kanyang ina na si Gng. Rosela Amistoso, nakalagay sa Death Certificate ni Froilan na ang sanhi diumano ng kanyang pagkamatay ay Malignant Neoplasm of Lymphoid Hematopoietic And Related Tissue Unspecified (Antecedent Cause).
Narito ang mga naranasan ni Froilan mula Disyembre 22, 2017 hanggang sa siya ay pumanaw noong Enero 12, 2018:
Disyembre 22, 2017 - Sumakit ang ulo at tiyan ni Froilan. Dumumi rin siya at kulay itim ang kanyang dumi. Bukod sa sakit ng ulo at tiyan, nilagnat at naging matamlay siya, gayundin, isinusuka ang kanyang mga kinain. Pinainom siya ni Gng. Rosela ng Kremil-S para sa pananakit ng kanyang tiyan at pagsusuka; Biogesic naman para sa pananakit ng kanyang ulo. Nawala naman ang pananakit ng ulo at tiyan niya pati ang kanyang pagsusuka, subalit naging pabalik-balik ito.
Enero 6, 7, 2018 - Nagdugo ang kanyang gilagid. Kinabukasan, siya ay dinala ng kanyang ate Elisa Famulagan sa dentista upang patingnan ang kanyang bibig, ngipin at gilagid. Ayon kay Elisa, nilinis ng dentista ang kanyang ngipin. Dagdag pa niya, nagtaka ang dentista dahil lalong nagdugo ang gilagid ni Froilan, kaya niresetahan siya ng Mefenamic Acid. Nagpatuloy pa rin ang pagdurugo ng kanyang gilagid. Kinagabihan, nagreklamo ng labis na pananakit ng tiyan at pagsusuka si Froilan. Dahil dito, dinala siya sa isang ospital sa Cebu, at nakita na mababa ang kanyang platelet count. Dahil dito, inisyal na sinabihan ang pamilya niya ng doktor na baka siya ay may dengue.
Enero 8, 2018 - Lalong bumaba ang platelet count ni Froilan. Iminungkahi ng ospital na ilipat si Froilan sa ibang ospital na kumpleto sa kagamitan, alas-6:00 ng gabi nang mailipat siya. Nagreklamo siya ng pananakit ng tiyan at ulo, siya rin ay nagkalagnat at nagsusuka.
Enero 10, 11, 2018 - Lumabo ang paningin ni Froilan. Siya ay nagkaubo, hindi makaihi, hindi makatayo at lumaki ang kanyang tiyan. Sinabihan ang pamilya niya ng doktor na hindi dengue ang kanyang sakit kundi siya ay may leukemia, at kailangang masalinan siya ng dugo. Kaya nang sumunod na araw, naghanap ang kanyang pamilya ng blood donors. Namumutla si Froilan at kahit kurutin siya ay hindi na namumula ang kinurot na bahagi ng kanyang balat.
Enero 12, 2018 - Uminom si Froilan ng napakaraming tubig. Siya ay nagwala dahil hirap siyang huminga at dumumi rin siya ng kulay itim. Gayundin, siya ay nagreklamo ng labis na pananakit ng tiyan. Pagsapit ng alas-3:00 ng hapon, sinabihan niya ang kanyang pamilya na malapit na siyang mamatay sa kabila ng labis na kagustuhan niyang mabuhay. Sabi ng kanyang ina, “Kami ay mataimtim na nagdasal kasama si Froilan upang bigyan siya ng sapat na pananampalataya na tanggapin kung anuman ang kagustuhan sa kanya ng Poong Lumikha. Matapos ng ilang sandali, alas-4:55 ng hapon, tuluyan nang pumanaw ang aking anak.”
Pagbabalik-tanaw ng kanyang ina, “Hindi pa siya nagkaroon ng dengue. Napakasakit para sa amin ng pagpanaw ni Froilan dahil hindi ko akalain na babawian siya ng buhay nang napakabata, samantalang bago maturukan si Froilan ay napakalusog naman niya at wala siyang naging karamdaman. Kaya nakapagtataka na matapos niyang mabakunahan ng Dengvaxia ay biglang nagbago ang kanyang kalusugan. Sa napakaikling panahon ay agad nawala ang aking anak.”
Ang naganap na pagtuturok ng nasabing bakuna kay Froilan ay isa na naman sa maraming kuwento ng unconsented vaccination. Ayon kay Gng. Rosela, “Wala kaming kaalam-alam na ang aking anak ay naturukan ng Dengvaxia, maliban na lamang nang sabihin ito ng kanyang kaklase na nabakunahan sila. Kung nasabihan kami hinggil sa pagbabakuna at kung ano’ng maaaring hindi magandang epekto ng pagbabakunang ito sa kanya ay hindi namin hahayaang mabigyan ng nasabing bakuna ang aking anak. Maliwanag na kami ay napagkaitan ng pagkakataon na malaman ang epekto ng nasabing bakuna.”
Bagama’t maraming beses na rin naming naririnig ang ganitong hinagpis, alam naming hindi nababawasan ang pait na dulot nito sa mga naiwang mahal sa buhay at maging sa amin sa PAO at PAO Forensic Team na nilapitan nila at hiningan ng tulong. Ang masipag at maparaan na si Froilan ay kaagapay ng kanyang pamilya. Kaya isang napakahalagang buhay na naman ang nawala sa katauhan ni Froilan at ang pag-asa na magkaroon ng magandang buhay ang kanyang pamilya ay naparam. Gayunman, ang sigasig naming lahat – upang sa dulo ang katarungan ay masumpungan – kailanman ay hindi namin bibitawan.
Comments