top of page
Search
BULGAR

15K ‘Kagulong’, kalahok sa kilos-protesta ngayong araw vs. PUVMP

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Enero 16, 2024


Posibleng maaksyunan na ng gobyerno at magkaroon ng pinal na desisyon ang matagal nang isyu hinggil sa planong walisin sa kalsada ang traditional jeepney sa dahilang nagkapit-bisig na ang mga transport group na nagbantang hindi na magsasagawa ng transport strike kundi sabay-sabay na transport protest.


Ito ang inanunsyo ng MANIBELA kung saan sinabi nito na sila ay magsasagawa ng kilos-protesta kaysa sa tigil-pasada sa pag-asa na ipatigil ng pamahalaan ang pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).


Kinumpirma ng transport group na MANIBELA noong nakalipas na Sabado na magsasagawa sila ng kilos-protesta ngayong araw mismo, Enero 16, 2024 at hindi na tigil-pasada laban sa franchise consolidation at PUVMP sa pag-asang mapakinggan sila ng pamahalaan at huwag nang maisakatuparan ang planong pagtanggal sa kalsada ng mga traditional jeepney.


Ang isasagawang protesta ay gaganapin simula alas-9 ng umaga mula sa UP Diliman hanggang sa Mendiola, Manila ngayong Martes.


Ipinahayag ng pamunuan ng MANIBELA na tinatayang aabot sa 15,000 jeepney drivers at operators ang kalahok sa kilos-protesta na mariing kumokontra sa PUV modernization program ng pamahalaan.


Ayon pa sa grupo, nais nilang manawagan sa Pangulo na maibalik ang mga binawing prangkisa ng ilan nilang kasamahan, lalo na sa hanay ng mga operator na ang naging hakbang na ito ng gobyerno ay maliwanag na kawalan ng pagkakakitaan sa panig ng mga driver at operator habang kawalan ng masasakyan sa panig naman ng ating mga komyuter.

Ang kilos-protesta na ito ay isinagawa makalipas ang halos isang buwan nang ipatupad ng ilang transport group ang tigil-pasada laban sa PUVMP.


Disyembre 31, 2023, ang itinakdang deadline ng gobyerno para asikasuhin ng mga jeepney operator ang franchise consolidation kung saan ang mga hindi nakapagsumite ng kanilang rehistro ay pinayagan na makabiyahe sa kanilang ruta hanggang Enero 31, 2024 lamang.


Sa aking palagay kagulong, ang problemang ito na hindi pa matapos-tapos ay nagdudulot ng bigat sa pagitan ng gobyerno na naglalayong ang hakbang ay para sa modernisasyon sa kalsada, maging maayos, ligtas ang mga kababayan natin na namamasahe araw-araw. 


Sa planong ito na walisin sa kalsada ang mga traditional jeepney ay hindi “anti-poor” na nauna nang ipinahayag ng ilang transport group, kundi sa pagpapatupad nito, ayon naman sa panig ng gobyerno ay gaganda at magiging maayos pa ang kabuhayan ng ating mga tsuper.


Nais din ng ating gobyerno na maging mabisa, maayos at environment-friendly ang ating mga sasakyan at hindi iyong luma na.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page